106

Aug 15, 2019 @ 13:23
By

Malimit na foreign trips ng mga opisyal ng gobyerno sinisilip na rin ng PACC

Sinisilip na ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang ilang reklamo sa madalas na biyahe sa labas ng bansa ng mga opisyal ng gobyerno.

Sinabi ni PACC Commissioner Greco Belgica na bukod sa patong-patong na reklamo ng katiwalian ay ipinapasilip na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panay na biyahe ng mga public official sa abroad.

Kabilang sa iniimbestigahan ay mga nasa secretary level, undersecretary at assistant secretary, subalit tumanggi si Belgica na tukuyin sinu-sino ang mga ito at kung ilan ang iniimbestigahan ng grupo.

“May mga officials na excessive ang foreign trips at ipinapasilip ito ng Presidente,” ani Belgica.

Sinabi ng opisyal na mismong si Duterte ang nakadiskubre sa aniya ay “excessive” foreign trips ng mga opisyal sa kabila ng direktiba nito na bawal na ang bumiyahe abroad at kailangan ang pag-apruba nito bago makabiyahe sa abroad ang isang opisyal.

Matatandaang noong nakalipas na taon ay nagalit si Duterte sa out-of-country trips ng mga opisyal gamit ang pondo ng gobyerno, kaya sinibak nito ang lahat ng opisyal ng isang ahensiya at dineklara ang nabanggit na direktiba.

Pero sa kabila ng utos ng Presidente, maraming mga opisyal pa rin mula sa ehekutibo ang nagpapaligsahan sa pagbiyahe sa abroad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?