30
views
mr-trabaho-joel-villanueva
By

Maliliit na Negosyo, Malaking Hakbang sa Pag-asenso

Sharing is caring!

Idineklara po ng Republic Act 9501 o ang Magna Carta for Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) ang ikalawang linggo ng Hulyo taon-taon bilang MSME Development Week.

Pagtuunan po natin ng pansin ang maliliit na mga negosyo dahil ito po ang magpapalawak ng oportunidad at magbibigay-daan sa pag-asenso ng mas marami nating kababayan lalo na po sa mga kanayunan.

Maituturing pong MSMEs ang halos 99.6 porsiyento ng lahat ng mga establisyimento sa Pilipinas. Sa kabila po ng mataas na bilang na ito, maliit pa rin po ang kontribusyon nila sa ating ekonomiya dahil sa kawalan ng sapat na puhunan o access to financing.

Ang kabiguan po nilang makapagpakita ng “collateral”, pagkakaroon ng unstable cash flow at kawalan ng business track record ang kalimitang rason kung bakit hindi sila makautang sa mga bangko.

Kaya’t sinumite po natin ang Senate Resolution No. 69 para mapag-aralan ang posibilidad na magamit ng mga business start-ups ang kanilang TESDA National Certificate o NC bilang patunay sa kanilang creditworthiness o kakayahang bayaran ang halagang uutangin nila sa mga financial institutions.

Sa atin pong palagay, malaki ang maitutulong nito para makamit natin ang inclusive entrepreneurship sa bansa o iyong oportunidad na makapagnegosyo ang mga karaniwang Pilipino.

Ayuda rin po ito para mag-benepisyo nang lubos ang ating mga kababayan sa nakalaang 10% credit portfolio ng mga bangko para ipautang sa mga registered micro at small enterprises alinsunod sa itinatadhana ng Magna Carta for MSMEs.

Noong 2015, isinabatas din po ang RA 10744 o ang “Credit Surety Fund Cooperative Act of 2015” na nagbigay daan naman sa Bangko Sentral para itaguyod ang Credit Surety Fund (CSF).

Ang CSF ay pinagsama-samang kontribusyon ng mga kooperatiba, NGOs, LGUs, at ilang mga bangko tulad po ng DBP at Landbank para magsilbing pondo na ipapautang sa mga kooperatiba o miyembro nila.

Bukod sa puhunan, importante rin po ang skills training para sa MSMEs. Noong nasa TESDA po tayo, nakipagtulungan po tayo sa pribadong sektor para ipaabot ang libreng traning sa mga maliliit na negosyante tulad ng mga sari-sari store at carinderia owners.

Libo-libong women micro-entrepreneurs po ang nakaranas ng pag-asenso sa pagnenegosyo tulad nina Lolita Mendoza ng Taguig City at Theresa Tomaro ng Bago City, Negros Occidental na parehong nagpapatakbo ng sari-sari stores.

Bago ang training, kumikita lang po sila ng halos P1,000 kada araw. Pagkatapos po ng training sa bookeeping, merchandising at basic accounting at dagdag na puhunan, na-triple o umabot po ng P3,000 ang kita nila araw-araw.

Mahalaga po talaga ang pagkakaroon ng sapat na skills para magpatakbo ng negosyo, malaki o maliit man po ito. Kaya’t noong 2012, nilikha po natin ang Free TESDA Online Program (TOP) hindi lang para sa mga estudyante kundi para rin po sa mga nagbabalak mag-negosyo.

Kasabay nito, sinimulan po natin ang pagbibigay ng libreng toolkits para agad kumita ang mga nakatapos ng tech-voc courses tulad po ni Teresita Abranilla ng Gloria, Oriental Mindoro.

Bago ang training, pa-extra-extra lang po siya sa pananahi. Nang maka-graduate sa kursong Dressmaking NC II at nang mabigyan po siya ng Singer Sewing Machine, nakapagsimula po siya agad ng kanyang sariling tailoring shop at nakapagbigay pa ng trabaho sa ilan n’yang kabarangay.

Kapag dumami at umunlad po ang mga maliliit na negosyo, makikinabang din po ang milyon-milyong trabahanteng Pinoy dahil 65 porsiyento po ng lahat ng manggagawa sa bansa ay nasa sector ng MSMEs.

Kung bibigyan po natin ng sapat na puhunan at training na angkop sa kanilang pangangailangan ang maliliit na negosyo o MSMEs, magiging malaking hakbang po sila sa kaunlaran at pag-asenso ng ating bayan.

Isang makabuluhan at produktibong MSME Development Week po sa lahat!

Job Fair Schedule

LGU Surigao Job Fair
Surigao City Gym, City Hall Compound
Surigao City
July 13

DZRH 79th Anniversary Job Fair
Megatrade Hall 3, 5th Level, Mega B, SM Megamall Mandaluyong City
July 18-19, 2018

Local and Overseas Job Fair
Robinsons Place Antipolo
Brgy. Dela Paz, Antipolo City
July 21

(senatorjoelvillanueva@yahoo.com)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?