128
tnt_hontiveros
Dec 21, 2017 @ 13:58

Maligayang Pasko Sa Lahat!

Dear Senator Risa,

Maligayang Pasko po sa inyo. Ano na po ang balita sa pinasa ninyong panukala sa Senado na Expanded Maternity Leave? Ako po ay dalawang buwang buntis, sana po ay magamit ko ito kapag ako ay nanganak sa susunod na taon.

Laura Marquez
Taguig City
*****
Sa totoo lang, napakarami talagang tumatawag at sumusulat sa aming opisina at nagtatanong ng update kung kailan daw nila pwedeng ma-avail ang Expanded Maternity Leave na ipinasa ng Senado ngayong taon. Marami sa ating mga kababaihan ang talagang interesado rito pati na rin ang kanilang mga asawa o partner sapagkat ang panukalang ito ay maglalaan ng sapat na oras para maalagaan hindi lamang ang sanggol kung hindi pati ang kalusugan ng mga nanay natin.

Ang aking panukalang Expanded Maternity Leave Act (Senate Bill No. 1305) ay pasado na sa Senado subalit ang bersyon nito sa House of Representatives ay naka-pending pa ang pagpasa. Ang panukalang ito ay nagbibigay ng 120 araw na maternity leave para sa mga nagtatrabahong kababaihan at 150 days para sa mga solo mothers. At sa ilalim ng panukalang ito, pwedeng ibigay ng nanay ang hanggang 30 araw sa kanyang asawa o partner upang pareho nilang maalagaan ang kanilang anak. Sa kasalukuyan, 60 araw lang ang nilalaan ng batas para sa mga nanay na nanganak gamit ang normal delivery at 78-araw sa mga na-caesarean. Ang paternity leave naman sa mga tatay ay umaabot lang sa 7 araw.

Nais man nating maibigay agad na regalo ito sa ating mga nanay, ang counterpart bill nito sa House of Representatives ay nasa period of interpellation pa lamang. Kaya’t nananawagan tayo sa ating mga kasamahang kongresista na bilisan ang pagpasa nito sa kanilang kapulungan upang mapakinabangan na agad ng ating mga kababayan.

Napakalaking tulong nito sa ating lipunan kapag napasa na itong batas. Ang malusog na pamilya at pamayanan ang batayan sa isang malusog at matiwasay na bansa. Tayo po ay nanalangin at umaasa na sa pagbalik ng sesyon sa kongreso ay matalakay na ito agad ng ating mga mambabatas sa mababang kapulungan upang matapos na ang matagal na paghihintay ng ating mga kababayan.

Ngayong panahon ng kapaskuhan, maaalala natin na ang ating pinakamamahal na Birheng Maria ay nagsilang sa ating Panginoong Hesukristo. Sana ay maging simbolo ito ng ating pangangalaga sa ating mga nanay. Hindi madaling magdalang tao at magsilang ng buhay sa mundo. Kailangan din nating suklian ang kanilang mga sakripisyo at pagmamahal para sa ating mga pamilya ng isang mahusay na pag-alaga at sapat na pahinga. Nakikiusap tayo sa ating mga kongresista: Ipasa na natin ang Expanded Maternity Leave. Gawin na natin itong bagong batas para sa bagong taon. Para sa mga nanay, para sa bayan, para sa ating kalusugan!

Maligayang Pasko po sa inyong lahat. At nawa’y maging masaya at malusog po tayong lahat ngayong araw ng kapaskuhan.
*****

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?