140

By

Mali national timbog sa ‘package scam’

Sharing is caring!

Nasakote ng operatiba ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang isang suspek matapos ireklamo ng dapat sana ay kanyang bibiktimahin sa tinaguriang “package padala scam”.

Ito’y makaraang humingi ng tulong si Shirley Campones sa airport police noong Abril 12, 2018, makaraan siyang magduda na ang tao na nanghihingi sa kanya ng halagang US$11,000.00 kapalit diumano ng package na ipinadala sa kanya mula sa abroad ay isang scam.

Ang package ay ipadadala diumano ng lalaking kanyang nakilala sa internet sa pangalang Fred Mc Neil.

Sinabi umano kay Campones ni Mc Neil na siya ay pinigil ng Customs sa airport sa Turkey dahil sa mga natuklasang alahas sa kanyang mga bagahe.

Ayon kay Campones, isang texter ang humiling sa kanya na makipagkita noong Abril 12 sa isang restaurant sa departure level ng NAIA Terminal 1 na nagsasabing dala na niya ang bagahe mula kay Mc Neil at inutusan siya na magdala ng US$11,000 kapalit ng ipinadalang package.

Dahil sa pag-aakala na isa itong scam ay nagsuplong si Campones sa airport police.

Agad namang plinano ng operatiba ng airport police ang entrapment operation at sinamahan si Campones sa lugar na kanilang pagtatagpuan.

Tahimik nilang minanmanan si Campones hanggang sa lumutang ang isang black foreign national, na diumano’y texter at lumapit kay Campones.

Sa pagkakataong iyon ay iniabot na ni Campones ang puting envelope na may lamang pera sa suspek bilang bahagi ng kanilang kasunduan bago ibigay ang package. Dito na nilapitan at inaresto ng mga airport police ang suspek na foreigner.

Kinilala ang suspek na si Mariam Kanoute, 34-anyos, single, isang Mali national at nakatira sa Makati City.

Sinabi ni Campones na si Kanoute ay siya ring banyaga na kanyang nakilala sa isang mall sa Makati. May kasama rin umano itong isa pang foreigner na nagngangalang Ronald Morris.

Dinala ang suspek sa Pasay Prosecutor’s Office (PPO) para sa inquest proceedings dahil sa paglabag sa Article 315 o Syndicated Swindling/Estafa ng Revised Penal Code at paglabag sa Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).

Si Kanoute ay pansamantalang nakapiit sa MIAA police headquarters habang nakabinbin ang inquest resolution mula sa PPO.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?