201

Nov 6, 2017 @ 11:46

Malaysian terrorist Amin Baco, bagong Emir ng ISIS sa Southeast Asia

May pumalit na sa puwesto ni Isnilon Hapilon bilang Emir ng ISIS sa Southeast Asia.

Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald dela Rosa.

Ang pumalit aniya ay si Malaysian terrorist Amin Baco.

Ayon naman kay Deputy Chief for Operation Police Director Fernando Mendez Jr., si Baco ay matagal nang nananatili sa Pilipinas particular na sa Lanao kasama ang nasawing terorista na si Zulkifhli Binhir alyas “Marwan”.

Tumira rin ito sa Mamasapano, Maguindanao malapit sa pinangyarihan ng Mamasapano massacre.

Ang mga impormasyong ito ay batay sa pahayag ng naarestong Indonesian terrorist na si Muhammad Ilham Syahputra.

Sinabi pa ni Dela Rosa na sa ngayon posibleng nakatakas na sa main battle area sa Marawi City si Baco na target ng operasyon ng militar at pulisya. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?