263

Dec 23, 2017 @ 12:12

Malawakang brownout, ibinabala sa suspensiyon ng 4 ERC commissioners

Nagbabala sa posibilidad ng malawakang brownout ang Energy Regulatory Commission (ERC) matapos suspendihin ng Office of the Ombudsman ang apat na komisyuner nito.

“The paralysis starts today. The brownouts and the blackouts, if we will not be able to act on the pending petitions, will not only be, may not have been, not just in the provinces but also here in Metro Manila,” ani ERC chairperson Agnes Devanadera sa Bandila.

Nagulat umano si Devanadera nang isilbi ang 1-year suspension order laban kina ERC commissioners Gloria Victoria Yap-Taruc, Alfredo Non, Josefina Patricia Magpale-Asirit at Geronimo Sta. Ana sa gitna ng kanilang Christmas party.

Maliban sa apat na comissioners, kasama sa inirekomenda ng Ombudsman na kasuhan si dating ERC chair Jose Salazar dahilan umano sa pag-apruba sa power agreement sa Manila Electric Company (Meralco) nang hindi dumaan sa competitive selection process na itinakda ng batas.

Dahil collegial body, hindi maaaring magpatawag ng pulong si Devanadera para magdesisyon sa mga rehabilitasyon sa mga lugar na nawasak ang supply ng kuryente, mag-apruba ng pondo pati na power supply at iba pang obligasyon ng ahensiya.

Sumulat na umano si Devanadera sa Palasyo para hingin ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na siyang nag-appoint sa mga taga-ERC.

Ngunit hangga’t wala pang pinal na desisyon ang Pangulo ay tuloy ang pagre-report ng apat na komisyuner sa kanilang ERC office.

“So pinag-aaralan na rin po iyong aspeto ng administratibo kung ano ang pupuwedeng gawin ng Palasyo mismo para hindi po matigil ang operasyon ng ERC,” ani Presidential Spokesman Harry Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?