65

Oct 8, 2017 @ 17:38

Malas lang! Lolo dinakma sa tong-its

Pera na, naging bato pa!

Minalas na hindi na-‘hit’ ng 73-anyos na lolo ang ‘pot money’ na umabot na sa mahigit  P500 matapos na dakmain, ng mga operatiba ng Talipapa Police Station na nagkunwaring miron sa ‘tong-its’ sa Barangay, Tandang Sora, Quezon City.

Sa report na natanggap ni Talipapa Police Station (PS-3) chief,  P/Supt Danilo Mendoza, unang inaresto ay nakilalang si Emiliano Dala, 73-anyos. Bukod kay Dala, inaresto rin sa illegal gambling sina  Silverio Ditalo, 56; Michael Aguilar, 50;  Joey Hizon, 50; Jennifer Reyes, 35; at  Anastacio Velasco, 72-anyos, pawang residente ng   Brgy. Tandang Sora.

Sila ay dinampot habang naglalaro ng tong-its, dakong alas-11:40 ng umaga,  October 7, 2017, sa kalye sa kahabaan ng  Greenville at Coco Hills Steets., ng nasabing barangay.

Ayon kay Mendoza, ang kanilang isinasagawang pag-aresto sa mga nagsusugal sa kalye ay bahagi ng ipinatutupad na anti-criminality campaign ng Philippine National Police (PNP) dahil ang iligal na sugal ay maaari ring humantong sa krimen, lalo’t nagkakadayaan.

Sa pulisya, galit na galit ang lolong si Dala at sinabing kaya lamang siya nagsusugal ng tong-its ay upang makapaglibang dahil nanghihina umano siya kung mananatili lamang siya sa loob ng kanilang tahanan.

Aniya, matanda na umano siya at ‘yun lamang ang kanyang libangan. Nanlulumo naman ang matanda dahil siya pa naman umano ang ‘hitter’ at dahil sa buo-buo na ang kanyang hawak na baraha at ididiga na sana nang umeksena ang pulis na nagpanggap na miron.(Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?