234

Dec 8, 2017 @ 10:52
By

Malaria outbreak tinutukan ng DOH sa MIMAROPA

Puspusan ang kampanya ng Department of Health upang masugpo ang nakamamatay na sakit na malaria sa MIMAROPA region.

Ayon kay DOH Region 4A Regional Director Dr. Eduardo C. Janairo, partikular na tinututukan ang lalawigan ng Palawan kung saan ay higit na pinalakas ang mga estratehiya at pagtugon laban sa malaria.

Ginawa ni Dr. Janairo ang pahayag sa ika-9 na Malaria Congress kung saan binigyang-linaw na kailangang magtuluy-tuloy ang pagkilos sa mga komunidad gaya ng regular na paglilinis sa kapaligiran at pagpapakalat ng mga mahahalagang impormasyon patungkol sa pagpuksa sa mga lamok na nagdadala ng sakit na malaria.

Kailangan aniyang proteksiyunan ang mga pribado at pampublikong paaralan na lagyan ng Olyset-treated nets, pagsusuri sa dugo ng mga tao upang matukoy kung sila ay carrier o hindi ng malaria.

Sa 2017 Provincial Malaria Data ng Palawan, nangunguna ang bayan ng Rizal sa may pinakamataas na kaso ng malaria – 1,294; sumunod ang Balabac, 686; Bataraza, 656; Brooke’s Point, 360; Quezon, 142; at Puerto Princesa City, 91 kaso.

Mula Enero hanggang Nobyembre 2017, nakapagtala ng 146,256 na kaso at sa bilang na ito ay 3,360 ang positibo, 256 na pasyente sa Palawan o pagbaba ng 45.21% mula sa 6,132 na kaso na inulat noong 2016.

“This figure is a great improvement in our fight against malaria, but then again these are all figures. Data speaks but it does not mean anything unless you go down to the affected communities and personally see to it that there are no existing malaria cases,” ayon kay Dr. Janairo. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?