68

Feb 12, 2019 @ 14:07
By

Malalaking tarpaulin ng senatoriables, binaklas sa pagsisimula ng campaign period

Ngayong umarangkada na ang campaign period para sa mga kandidato sa national position sa midterm elections sa Mayo, kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na may ilang national candidate ang kusang nagbaba ng kanilang malalaking tarpaulin.

Partikular aniyang nagbaklas ng kanilang tarpaulins ang mga supporter sa mga lalawigan ng ilang mga senatoriable.

Sa pagsisimula naman ng campaign period ngayong araw para sa national candidates, karamihan sa mga nasampolan ng pagbabaklas ng Comelec ang tarpaulins ng party-list groups.

Karamihan kasi dito ay hindi sumunod sa tamang sukat at hindi nakalagay sa common poster area.

Umapela naman sa publiko si Comelec Spokesman James Jimenez na tumulong sa pagre-report sa kanila laban sa mga kandidatong lumalabag sa mga panuntunan ng poll body sa pangangampanya.

Sa ilalim ng IRR ng Fair Elections Act, mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng campaign materials sa labas ng mga common poster area, sa mga pampublikong lugar at sa mga pribadong property kung walang pahintulot ng may-ari.

Ang mga itinuturing na public places ay mga electronic announcement boards, mga sasakyan, ambulansya, patrol car na pag-aari ng gobyerno, mga waiting shed, sidewalk, street at lamp posts, electric posts, overpass, underpass, flyover, mga tulay, center island ng mga kalsada, public structures, MRT, LRT, PNR, at mga transport terminal na pag-aari at kontrolado ng gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?