113

By

Malalaking plaka sa motorsiklo, lusot sa komite sa Kamara

Aprubado na ng House committees on transportation at public order and safety ang panukala para sa paggamit ng mas malaking plaka at iba pang identifying marks sa mga motorsiklo.

Layon ng panukala na mabawasan ang tinatawag na motorcycle crimes o mga krimeng kagagawan ng mga naka-motorsiklo.

Sa ilalim ng panukala, binibigyan ng otorisasyon ang Land Transportation Office (LTO) para magtakda ng sukat ng plaka para sa motorsiklo na kailangang mababasa sa layong labing dalawang metro.

Ayon kay Antipolo Rep. Romeo Acop, chairman ng committee on public order and safety, inaasahan nilang magiging deterrent ito sa motorcycle crime dahil mas madali nang matutukoy ang gamit na motorsiklo ng mga suspek.

“A person with criminal intent will always find a way to perpetrate his crime. Let us hope that this measure will truly aid law enforcers in apprehending such criminals, thus becoming an effective deterrent against criminality,” sabi ni Acop.

Nakasaad din sa panukala na kung ang isang kriminal ay gagamit ng impounded na motorsiklo, papatawan ito ng maximum penalty sa ginawnag krimen.

Ang inaprubahang substitute bill ng dalawang komite ay pinagsama-samang House Bill 5381 ni Tarlac Rep. Victor Yap, House Bill 5714 ni Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, House Bill 5839 ni Orientel Mindoro Rep. Reynaldo Umali, at House Bill 6226 ni Camarines Sur Rep. Luis Raymond Villafuerte, Jr.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?