12

Mar 4, 2021 @ 18:20
By

Malacañang nangatuwiran sa 2 gov’t exec na nagpabakuna vs COVID

Binigyang-katuwiran ng Malacañang ang pagpapabakuna ng dalawang opisyal ng ehekutibo na hindi kasama sa prayoridad ng dapat na mabigyan ng bakuna.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na “in good faith” ang pagpapabakuna nina Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya at Metro Manila Development Authority (MMDA) Chief of Staff Michael Salalima sa layuning mapataas ang kumpiyansa ng publiko sa bakuna.

Hindi aniya sila nakipag-unahan para makatanggap ng bakuna, bagkus ay hinikayat ang dalawa ng mga opisyal ng Pasay City General Hospital.

“They were prompted by the officials of Pasay City General Hospital to be vaccinated. Sila ay tinanong para mapataas ang kumpiyansa ng taong bayan. The two thought naman in good faith, thought that they were doing the nation a service by having themselves vaccinated,” ani Roque.

Batid aniya ng mga doktor at mga opisyal na mababa ang kumpiyansa ng publiko sa bakuna kaya pumayag na sina Malaya at Salalima.

Sinabi ni Roque na nakausap niya si Malaya at inamin nito na hindi niya alam na hindi pala na-approve ang kahilingan na magpabakuna ang mga opisyal ng gobyerno para madagdagan ang kumpiyansa ng mga Pilipino na magpabakuna laban sa COVID-19.

Inamin ni Roque na hindi maayos na naipaabot sa ibang opisyal ng gobyerno ang desisyon ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) na ang pinayagan lamang magpabakuna ay sina vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Secretary Vince Dizon at MMDA Chairman Benhur Abalos.

“Yung desisyon ng NITAG na huwag nang bakunahan ang iba pa beyond Galvez, Dizon and Chairman Abalos was not really disseminated properly. So ang buong akala nila, they were doing the country a service by having themselves vaccinated,” dagdag ni Roque.

Maganda aniya ang intensiyon nina Malaya at Salalima subalit hindi alam na ipinagbawal na ng NITAG na magpabakuna ang iba pang opisyal ng gobyerno na hindi kasali sa priority list ng bakuna.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?