99

Nov 16, 2021 @ 20:13
By

Malacañang kinonsensya mga senador

Kinonsensya ng Malacañang ang mga senador sa tinapyas na bilyong pisong pondo sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Sinabi ni Acting Presidential Spokesman Carlo Nograles na suportado nila ang panawagan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at League of Provinces of the Philippines na irekonsidera ang desisyon sa pagtapyas sa pondo ng NTF-ELCAC.

Binigyang-diin ni Nograles na hindi magkakaroon ng kapayapaan kung walang pagbabago mga proyekto na magpapabago sa buhay ng mga rebelde.

“There cannot be peace without development;there cannot be any development without peace. They go hand in hand,alam ng mga senador yan,” ani Nograles.

Binigyang-diin ng kalihim na hindi ang Malacañang ang pumipili ng mga proyekto para sa mga nagbabalik-loob na mga rebelde kundi ang komunidad .

Ang mga LGUs aniya ay nagsusumikap na magkaroon ng kapayapaan sa kanilang mga lokalidad at ang mga proyektong pinopondohan ng NTF-ELCAC ang nagsisilbing pag-asa nila para mawala ang karahasan sa kanilang mga nasasakupan.

“Itong LGUs na ito ay mga far-flung geographically isolated disadvantaged areas at pinag-uusapan natin dito ang mga kababayan natin na matagal ng umaasa sa mga proyektong ito,” dagdag ni Nograles.

Nanawagan ang Malacañang sa mga senador na suportahan ang mga proyekto sa malalayong komunidad para sa kapayapaan at ganap na maramdaman ang pagkalinga ng gobyerno.

“Kami ay nakikiusap sa Senado na suportahan ang mga proyektong ito dahil ito ay para sa ikauunlad , ikabubuti ng ating mga kababayan na nasa malalayong lugar na matagal ng umaasa ng pagbabago ng kanilang buhay,” wika ni Nograles.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?