664

Dec 7, 2021 @ 16:15
By

Malacañang dumistansiya sa alok ni Isko na ampunin si Duterte

Dumistansiya ang Malacañang sa alok ni Manila Mayor Isko Moreno na handa nitong ampunin si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang partido kasama ang tiket nito para sa darating na eleksiyon.

Sinabi ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles na nasa Pangulo ng pagpapasya kung tatanggapin o hindi ang alok dahil mayroon naman itong sariling partidong tinatakbuhan sa kanyang kandidatura sa pagka-senador.

“Ayokong pangunahan ang mga political development na ‘yan, siyempre si Pangulong Duterte ay tumatakbo sa partido ng PDDS at sinusuportahan din siya ng PDP-Laban. Kung meron mang mangyayari pagkatapos ng pag-adopt o magkaroon ng alliances, ayokong pangunahan kung ano ang mga susunod na mangyayari,” ani Nograles.

Naniniwala ang kalihim na kaya gusto ng ibang partido na ampunin ang Presidente dahil sa marami nitong nagawang pagbabago para sa bansa.

Nakita aniya ng sambayanan na nagtatarabaho si Pangulong Duterte kaya nananatili ang kumpiyansa at suporta ng mga ito sa kanyang administrasyon.

“Ito ay patunay sa maraming nagawa ni Pangulong Duterte sa kanyang panunungkulan at sa marami niyang ginagawa at gagawin pa at patunay ito sa kumpiyansa ng marami są ating mga kababayan na pag binigyan siya ng pagkakataon na makapagpatuloy ng kanyang serbisyo sa Senado ay maipagpatuloy niya ang lahat ng ito,” dagdag ni Nograles.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?