39

By

Malacañang dapat transparent sa kasunduan, transaksiyon sa China – Escudero, Hontiveros

Sharing is caring!

Hinihingi ng mga senador ang transparency sa mga kasunduan at pakikipag-ugnayan ng Duterte administration sa China.

Sinabi ni Senador Chiz Escudero na ang pagiging bukas dito, kasabay ng pagpapalakas ng back channel talks, ang mag-iiwas sa dalawang bansa sa hindi pagkakaintindihan.

Ipinahayag ito ni Escudero kasunod ng garantiya ng ambassador dito ng China na iimbestigahan na ang kanilang coast guard crew na nang-harass ng mga Filipinong mangingisda.

Sinundan naman iyon ng pahayag ng tagapagsalita ng Chinese foreign ministry na dahil sa kanilang goodwill o kagandahang-loob kaya napapayagan na mangisda ang mga Filipino sa Scarborough Shoal.

Hinamon naman ni Senadora Risa Hontiveros ang Malacañang na ipagtapat na ang mga ikinompromiso nito sa China dahil ito umano ang maaaring dahilan kaya hindi ito pumapalag sa militarisasyon ng China at maging sa pagharang sa mga Filipino na mangisda sa pinag-aagawang teritoryo.

Ayon kay Hontiveros, pangunahin sa kailangang ipagtapat ng Malacañang ang pangungutang ngayon ng gobyerno sa China na sinasabing malaki pero mataas ang tubo kumpara sa interest rate ng World Bank at Asian Development Bank.

Dapat din aniyang maging transparent ng Malacañang sa mga diplomatic protest na diumano ay inihain na nito kaugnay ng mga militarisasyon at panggigipit ng China sa West Philippine Sea.

Kuwestiyon pa ni Hontiveros, kung totoo na nakapaghain na ang Department of Foreign Affairs ng may 100 diplomatic protest o kung eksaherado lang ito. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?