119
duterte-vitaliano
Apr 3, 2018 @ 17:37
By

Malacañang, blangko sa kapalaran ni Aguirre

Hindi makumpirma ng mga opisyal ng Malacañang ang ulat na sinibak na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte si Justice Secretary Vitaliano Aguirre.

Sinabi ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra na walang ipinapalabas na pahayag si Pangulong Duterte patungkol kay Aguirre kaya’t maituturing itong espekulasyon.

Halos lahat ng aktibidad ng Pangulo simula noong nakalipas na linggo ay ginugol sa Davao City at ilan pang lugar sa Mindanao at hindi pa ito bumabalik sa Metro Manila.

Matatandaang bago mag-Semana Santa ay inihayag ng Presidente na may sisibakin itong mga opisyal pagbalik sa Metro Manila.

Gayunman, hindi tinukoy ni Pangulong Duterte kung sino sa kanyang appointees o miyembro ng gabinete ang aalisin sa puwesto.

Naisiwalat din ni Presidential Spokesman Harry Roque sa isa sa kanyang press briefings na hindi nasisiyahan ang Pangulo sa performance ng ilan sa kanyang gabinete.

Uminit ang ulo ng Pangulo matapos ma-dismiss ang kaso ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa dahil dagok ito sa kanyang kampanya kontra ilegal na droga.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?