138

Jun 13, 2019 @ 15:42
By

Malacañang binuweltahan si Del Rosario sa nagawa noon sa WPS

Sinupalpal ng Malacañang ang mungkahi ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na dapat magkaroon ng multi-lateral approach at mapanagot ang kapitan at tripulante ng Chinese vessel na bumangga sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank.

Sinabi ni Presdential Spokesman Salvador Panelo na hindi kailangang ituro kung ano ang dapat gawin dahil alam aniya ng gobyerno ang kanilang ginagawa.

Binuweltahan ng kalihim si Del Rosario sa pagsasabing dapat ay ginawa na nila noon pa ang ang tamang aksiyon sa problema sa pinag-aagawang teritoryo dahil sa panahon aniya lumala ang suliranin.

“He doesn’t have to tell us what to do. We know what to do. Dapat ginawa na nila ‘yan noon, noong sila ang nandiyan pa,” ani Panelo.

Hindi rin aniya kailangang ipatawag si Chinese Ambassador Zhao Jianhua dahil kung nakikinig ito sa reaksiyon ng mga Pilipino, dapat itong magpaliwanag.

“I think we don’t have to summon him. If he is listening now, he should explain,” dagdag pa ni Panelo.

Matatandaang isa si Del Rosario sa naghain ng reklamong crimes against humanity laban kay Chinese President Xi Jinping sa International Criminal Court kaugnay sa panggigipit sa mga mangingisdang Pinoy at ang agresibong pagtatayo ng mga istruktura ng China sa mga teritoryong pinag-aagawan sa West Philippine Sea.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?