64

Mar 19, 2020 @ 16:40
By

Malacañang binigyan si Mayor Isko ng 189 e-trikes

Binigyan ng Malacañang ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng 189 e-trikes para maihatid at masundo ang mga doktor, nurse at healthcare worker sa mga pampublikong ospital sa lungsod.

Ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno sa isang tweet, ang pagpapakalat ng e-trikes ay programa ng national government sa ilalim ng Department of Labor and Employment.

“189 e-trikes will be deployed for frontliners in Manila, may trabaho at may suweldo,” sabi ni Moreno sabay plugging para sa national government at DOLE.

Nakalilito ang pagpapakalat ng national government ng e-trikes sa Maynila sapagkat binalaan ng Malacañang si Pasig City Mayor Vico Sotto sa pagpayag sa mga tricycle sa kanyang lungsod na bumiyahe para maihatid at masundo ang mga healthworker sa lungsod, nagtatrabaho man sila sa public o private hospital.

Nang sinuri ni Sotto ang pangangailangan ng Pasig City, agad na niyang sinabi na kukulangin ang mga sasakyan kaya pinapayagan nito ang mga tricycle.

Sinabi din ni Sotto na mas ligtas ang mga tricycle na bukas ang bintana kaysa sa mga de-aircon na kotse kung saan nakukulob lamang ang mga virus.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?