18

Jul 31, 2020 @ 22:03
By

Malabon LGU: Mga ayaw magpa-COVID test, aarestuhin

Nagbabala ang Malabon local government na huhulihin ang lahat ng ayaw sumalang sa COVID-19 testing sa patuloy na pagsirit ng kaso ng virus sa nasabing lungsod.

Ito’y matapos na tumatanggi umano ang mga close contact ng mga COVID-19 patient sa testing, kung saan abot na sa 1,700 ang kumpirmadong kaso sa Malabon.

“Marami pong ayaw magpa-test. Na-identify na sila ng ating BHERT (Barangay Health Emergency Response Team), ng ating City Health Office na dapat ay magpa-testing pero tumatanggi po silang magpa-test,” ayon kay Malabon City Administrator Voltaire Dela Cruz sa panayam sa ’24 Oras’.

“Alam ninyo naman ang Pinoy natatakot na malaman kung anong totoong kalagayan niya. Mayroon din naman po ayaw nilang ma-discriminate kung sila ay nakitang positive,” aniya pa.

Saad ni Dela Cruz, pwedeng mapanagot base sa batas ang tatanggi na magpa-test, kung saan 150 ang kanilang hinahanda araw-araw para sa mga mahahanap sa kanilang contact tracing.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?