22

Oct 14, 2021 @ 14:58
By

Makunat magbayad! Deployment ban sa Saudi pinag-aaralan

Pinag-aaralan ng gobyerno na hindi na magpadala ng mga manggagawa sa Saudi Arabia .

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na mahigit siyam na libong Overseas Filipino Workers (OFWs) ang hindi binayaran sa loob ng isa o dalawang taon sa Kingdom of Saudi Arabia noong 2016 kaya inilaban ito ng gobyerno.

Nanalo aniya ang gobyerno at may utos ang korte sa Saudi na bayaran ang mga OFW ng P4.6 billion pero hindi pa rin nagbabayad ang Kingdom of Saudi Arabia.

“Meron ng decision na bayaran na yung ating manggagawa. Pero hindi pa rin binabayaran. Nandiyan yung pera,the claim of our OFWs amounts to 4.6 billion pesos that is due to our more than 9,000 OFWs,” ani Bello.

Dahil dito, hiniling ng kalihim kay Pangulong Rodrigo Duterte na ikonsidera ang deployment ban sa KSA kung ganito ang ginagawang pagtrato sa mga manggagawang Pinoy.

“Kaya sabi ko kung hindi nila babayaran yan there is no use sending our overseas workers doon. Kaya sabi ko kay Administrator Cacdac at Administrator Olalia ng POEA pag-aralan ninyo na its high time we have to show the people of Saudi our people deserve the justice because it has been years just to get their claims nila,” dagdag ni Bello.

Nauna rito, nirepatriate ng gobyerno sa bansa ang mga OFW na nabiktima ng pandaraya ng employers sa nabanggit na bansa matapos ipag-utos ito ng Pangulo.

Sinabi ni Bello na hinihintay na lamang nila ang tugon ng Pangulo para ipatupad ang pag-aaral na deployment ban sa Saudi Arabia.

“Ngayon hindi binabayaran kaya sabi ko and I send a memorandum to the President requesting him permission to consider the deployment ban to the Kingdom of Saudi Arabia kung hindi nila mabayaran yung pera na pinaghirapan ng mga OFW for so many years. So yung ang plano pag-aralan namin ,” wika ni Bello. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?