45

Dec 23, 2019 @ 15:54
By

Makati nanguna sa dami ng napabakunahan vs. polio

Pinagmalaki ng pamahalaang lungsod ng Makati na nakapagtala sila ng pinakamataas na oral polio vaccine (OPV) coverage rate sa Metro Manilasa ikalawang pagkakataon ngayong 2019, mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 8.

Batay sa ulat ng Department of Health noong Disyembre 8, mayroong 69,739 na batang may edad na 0 hanggang 59 months ang nabakunahan ng Makati Health Department (MHD) noong ikalawang round ng pagbibigay ng OPV. Ito ay 140.54 porsyento ng target na populasyon ng lungsod na 49,623.

Sa kabuuan, 1,404,517 na bata ang nabakunahan ng OPV sa Metro Manila o 109.99 porsyento ng target na populasyon nito na 1,276,984.

Pinasalamatan ni Makati Mayor Abby Binay ang mga magulang sa kanilang pakikiisa sa mga doktor at mga kawani ng MHD na nagbahay-bahay upang mabakunahan ang mga bata sa lungsod.

Bukod sa OPV, hinikayat ng alkalde ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak ng BCG (Bacillus Calmette-Guerin), Hepatitis B vaccine, Pentavalent, PCV (Pneumococcal Conjugate Vaccine), Hib (Haemophilus Influenzae Type B) vaccine, MR (Measles and Rubella), at MMR (Measles, Mumps and Rubella).

Nagbibigay ng libreng bakuna ang 26 health center sa lungsod sa mga sanggol at batang may edad na 0 hanggang 59 na buwan.

Pinaliwanag naman ni MHD head Dr. Bernard Sese na ang mga bagong panganak ay dapat bakunahan ng BCG at Hepatitis B upang maiwasan ang mga sakit tulad ng Hepatitis B at maiwasan ang mga kumplikasyon ng tuberculosis tulad ng extrapulmonary TB.

Sinabi niya na ang mga sanggol na nasa pagitan ng anim at 14 na linggo ay dapat bigyan ng bakuna na Pentavalent, PCV, bakuna kontra Hib, at Inactivated Polio Vaccine (IPV) upang maprotektahan ang mga ito mula sa diphtheria, pertussis, tetanus, influenza B, pulmonya, at polio.

Ang mga sanggol na siyam na buwang gulang ay dapat mabakunahan ng MR vaccine upang maprotektahan sila laban sa tigdas at MMR vaccine upang maiwasan ang pagkakaroon ng beke.

Kasunod nito ang pagbabakuna sa paaralan ng MR (Kinder hanggang Grade 7), Tetanus at Diphtheria (TD) vaccine (Grade 1 hanggang 7), at HPV sa Grade 4 (9 hanggang 14 taong gulang), ani Sese.

Hinikayat naman ng alkalde ang mga magulang at guro na panatilihing malinis ang kanilang paligid upang makaiwas ang mga bata sa mga nakakahawang sakit.

Aniya, napakahalaga ng partisipasyon ng komunidad upang maiwasan ang mga sakit na ito. Ang mga residente, mag-aaral, at empleyado ay maaaring mag-ulat ng maruruming bahay, paaralan, gusali, at opisina sa kani-kanilang mga barangay.

Noong Oktubre 27, sinabi ng DOH na nakapagtala ang Makati ng pinakamataas na OPV coverage rate sa Metro Manila sa unang round ng pagbibigay ng OPV mula Oktubre 14 hanggang 27.

Nagsimula ang kampanyang “Sabayang Patak Kontra Polio” noong Oktubre 14 kasunod ng mga ulat ng mga bagong kaso ng polio sa bansa.

Ang Pilipinas ay dineklarang “polio free” ng World Health Organization (WHO) noong 2000 ngunit dalawang kaso ang nakumpirma noong Setyembre ngayong taon ng DOH sa Lanao del Sur at Laguna. Dalawang bagong kaso ng polio ang nakumpirma sa Mindanao noong Oktubre at Nobyembre.

Sa kabuuan, apat na kaso ng polio ang naitala sa bansa ngayong taong 2019.

Nauna nang sinabi ng DOH na ang polio ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng paghuhugas ng mga kamay bago humawak ng pagkain.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?