22

Jul 19, 2021 @ 16:22
By

Makadadalo sa huling SONA ni Duterte dinagdagan

Nadagdagan ang bilang ng mga tao na maaaring dumalo sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 26.

Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, nasa 350 na ang pinayagan na dumalo sa SONA pero maaari pa rin umano itong magbago depende sa magiging resulta ng pagpupulong.

“As of now ang papayagan sa loob around mga 350 na tao… magkakasama na lahat, senators, congressmen, mga ibang government officials saka ibang guests,” sabi ni Mendoza.

Sa inisyal na plano ang papayagan lamang ay 200 hanggang 250 katao.

Ang mga papayagang pumasok sa plenary hall ay ang mga fully vaccinated na. Kailangan din nilang sumailalim sa RT-PCR test.

Nakapagpadala na rin umano ng imbitasyon ang Kamara sa mga imbitado at naghihintay na lamang sila ng kumpirmasyon.

Isa umano sa nagkumpirma na ng pagdalo si dating pangulo at dating Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Simula naman sa Biyernes, Hulyo 23 ay naka-lockdown na ang Batasan Complex.

“Ginagawa naman talaga ‘yun, normally by Friday lockdown na talaga, wala na talagang pwedeng pumasok sa Batasan starting Friday,” paliwanag ni Mendoza.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?