35

Dec 3, 2020 @ 12:32
By

Makabayan i-ban sa halalan? Comelec bahala dyan – Roque

Bahala na ang Commission on Elections (Comelec) na magdesisyon sa panawagang ipa-ban ang Makabayan bloc ng Kamara sa susunod na eleksiyon.

Tugon ito ng Palasyo sa plano ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na huwag payagang makaupo muli sa mga susunod na eleksiyon ang mga progresibong grupo na pinaniniwalaang may kaugnayan sa kilusang komunista.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang Comelec ang may saklaw sa isyung may kinalaman sa eleksiyon kaya ipapaubaya na nila dito ang disposisyon at pagpapasya.

“Yan naman po ay dedesisyunan ng Comelec. Ang Comelec ay isang constitutional body so hayaan na po natin ang Comelec ang magdesisyon diyan,” ani Roque.

Nanindigan ang NTF-ELCAC na mayroong sapat na ebidensiya para hindi dapat makaupo sa anumang elective office ang Makabayan bloc.

Sa pinakahuling mensahe sa bayan ni Pangulong Rodrigo Duterte, hayagan niyang binansagang mga “komunista” ang grupong umaalma sa pag-red-tag sa kanila ng gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?