58

Dec 22, 2017 @ 13:54
By

Makabayan bloc kay Alvarez: ’Di kami nakikinabang sa ‘revolutionary taxes’

Kinastigo ng grupong Makabayan sa Kamara si Speaker Pantaleon Alvarez dahil sa anila’y malisyoso at mapanganib na pag-uugnay sa kanilang grupo sa mga rebelde.

Ito’y makaraang magpasaring si Alvarez na nakikinabang ang mga militanteng kongresista sa revolutionary taxes na kinokolekta ng New People’s Army sa mga pulitiko at negosyante.

Sinabi ng Speaker na hindi niya alam kung saan kumukuha ng pondo ang Makabayan bloc para sa kanilang mga proyekto dahil wala naman talaga silang access sa pondo sa Kongreso.

Para sa grupo, nililigaw lamang ng liderato ng Kamara ang atensiyon ng publiko mula sa isyu ng pork barrel na anila’y patuloy na umiiral sa kasalukuyang sistema ng pulitika.

Bagama’t isang malaking kalokohan anila ang pahayag na ito ni Alvarez, nababahala ang mga militanteng kongresista na paramdam na ito nang pagdurog sa kanila.

“This crude attempt to implicate the Makabayan bloc in the collection of revolutionary taxes is, if anything, only a means to further strengthen the administration’s objective to incriminate all of its ‘dissenters’ as either terrorists or terrorist financiers,” ayon sa grupo.

Payo ng Makabayan bloc sa House leader, huwag ilayo ang isyu sa pork barrel para pagtakpan ang patronage politics. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?