62

Feb 27, 2020 @ 18:38
By

Makabayan bloc binara si Duterte

“Hindi po tayo kailangang mamili sa pagitan ng US at China. Ang kailangan nating piliin ay Pilipinas.”

Ito ang pahayag ni Kabataan partylist Rep. Sarah Elago ngayong Huwebes, Pebrero 27, bilang tugon sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa independent foreign policy.

Kahapon sinabi ng Pangulo na kung hindi kayang tumayo ng Pilipinas mag-isa, mamili na lang ito kung magiging teritoryo ba ng Amerika o magiging probinsya ng Tsina.

Sumang-ayon sina Bayan Muna partylist Reps. Ferdie Gaite at Eufemia Cullamat sa tugon ni Elago, at binatikos ang umano’y kababawan ng dahilan ng pamunuang Duterte upang wakasan ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng Amerika sa bansa.

Matatandaang inutos ni Duterte ang pagbasura sa VFA dahil kinansela ng American government ang visa ng kanyang kaalyado na si Senador Bato Dela Rosa.

“Ang kailangan pa rin, tumindig tayo sa principled position. Hindi ‘yong pettiness na pinapakita ngayon ng pamahalaan na, bilang pagganti ay ibabasura ang VFA because of that cancellation ng visa ni Sen. Dela Rosa,” hayag ni Gaite sa isang ulat.

“Sana nga matutong tumindig ang Pilipinas dahil nakikita natin ang ang Pilipinas ay may kakayahang tumindig sa kaniyang sariling paa,” wika naman ni Cullamat.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?