112

Feb 27, 2019 @ 14:14
By

Maingay na binatilyo, pinakain ng patalim

Sa bibig pinuntiryang saksakin ng isang matandang pedicab driver ang naka-alitang 16-anyos na binatilyo na nag-iingay kasama ang mga kabarkada nito habang nagpapahinga ang una sa kaniyang itinayong barung-barong sa Quezon Avenue..

Namatay noon din ang biktima na nakilalang si Randy Rosito Bermas, 16-anyos, pedicab driver, at residente ng CMLI Compound, Agham Road, Brgy. Pag-asa, Project 6, QC, sanhi ng tinamong malalim na saksak sa ilalim ng bibig at dibdib.

Agad namang naaresto ang suspek na nakilalang si Andresito Talason Angkig, 52, pedicab driver at naninirahan sa isang barung-barong na itinayo sa kalsada sa Quezon Avenue, Brgy. Central ng nasabing lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Julius Cesar T. Balbuena ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang insidente ay naganap dakong alas- 11:30 Martes ng umaga, sa harapan ng Philippine Blood Center na matatagpuan sa Quezon Ave., Barangay Central.

Batay sa pahayag ng mga kasamahang minor ng biktima na nakilalang sina Rolando Robles Jr., Hasmin Gayon, Hannilyn Panganiban, Elaine Percia, Jomar Dela Cruz, at isang alyas Nonoy, masaya umano silang nagku-kwentuhan habang kumakain malapit sa barung-barong ng suspek.

Dahil nagpapahinga umano ang suspek sa loob ng kanyang barung-barong ay lumabas ito at pinagalitan ang mga nasabing kabataan na nag-iingay sa labas ng kanyang tahanan.

Sa halip na tumahimik ang mga kabataan ay nagalit pa umano ang mga ito sa suspek hanggang sa magkasagutan ang magkabilang panig.

Mabilis namang kumuha ng kutsilyo ang suspek at nang akmang susuntukin siya ng biktima ay agad niya itong inundayan ng saksak sa ilalim ng bibig at sinundan pa sa dibdib hanggang sa duguang bumagsak ang binatilyo.

Ang suspek ay kasalukuyang nakapiit sa QCPD headquarters habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?