109

Nov 8, 2017 @ 20:35
By

Mahinang kaso kay Noy, kinuwestiyon ng pamilya ng SAF 44 sa SC

Pormal nang kinuwestiyon sa Korte Suprema ng ilan sa mga kaanak ng SAF 44 na namatay sa engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao ang resolusyon ng tanggapan ng Ombudsman na kasuhan lamang ng usurpation of official functions sina dating Pangulong Noynoy Aquino.

Ang petition for certiorari ay inihain nina Felicitas Nacino, asawa ni PO2 Nicky Nacino; Helen Ramacula, ina ni PO2 Rodel Eva Ramacula at ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).

Sa kanilang petisyon, hiniling nila na mapawalang bisa at mabaligtad ang consolidated order ng Ombudsman na may petsang September 5, 2017 at consolidated resolution na may petsang June 13, 2017.

Sa nasabing mga kautusan at resolusyon, ibinasura ng anti-graft body ang reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide laban kina Aquino, Dating PNP Chief Alan Purisima at Dating PNP-SAF Chief Getulio Napenas.

Nais ng mga petitioner na atasan ng Korte Suprema ang Ombudsman na ang ihaing kaso laban sa tatlong respondents ay reckless imprudence resulting in homicide sa halip na usurpation of official functions lamang at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Iginiit ng mga petitioner na may pagmamalabis sa panig ng Ombudsman nang pababain nito ang asunto laban sa mga respondent.

“In ordering the DISMISSAL of the charge of Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide against herein private respondents, the Ombudsman committed grave abuse of discretion amounting to lack or in excess of its jurisdiction,” nakasaad sa petisyon.

Naniniwala rin ang mga petitioner na ang “promixate cause” ng pagkamatay ng SAF 44 ay kapabayaan ng mga respondent.

“To restate, the proximate cause of the killing of the SAF 44 was the reckless imprudence and inexcusable negligence of herein respondents in the planning and execution of “Oplan: Exodus”. This is overwhelmingly established by the Observations/Findings of the Senate Report….” dagdag ng mga petitioner.

Tinukoy pa ng mga petitioner ang nilalaman ng Senate Report na nagsasabing ang Oplan Exodus ay kulang sa intelligence, mahina ang pagpaplano at wala ring koordinasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Hindi rin umano napaghandaan ng liderato ng SAF ang tradisyon na Pintakasi sa Mindanao.

Nais ng mga petitioner na habang nakabinbin pa ang desisyon ng Korte Suprema sa kanilang petisyon ay pigilan muna nito ang Ombudsman sa pag-usad ng reklamo. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?