47
magdalo-gary-alejano
By

Mahihirap na naman ang biktima

Sharing is caring!

Hindi maiiwasang mapansin na tila pawang mga maliliit at walang kalaban-labang tao ang pinupuntirya at binibiktima ng peace and order campaign ng administrasyong Duterte. Mapapatanong din tuloy kung mayroon pa bang natitirang pagpapahalaga at malasakit sa taumbayan ang kasalukuyang administrasyon.

Pagka-upo pa lamang ni Duterte, puro patayan na ang tumambad sa atin sa ilalim ng war on drugs. Habang pinapatay ang mga maliliit na tao ay siya na mang pag-abswelto sa mga druglords. Ngayon, mga maliliit at ordinaryong mamamayan muli ang pinagdidiskitahan sa ginagawang panghuhuli ng Philippine National Police (PNP) ng mga tambay sa lansangan.

Tila may pagtingin kaagad na ang paglalagi sa labas ay magdudulot ng krimen kaya bago pa man mangyari ay ipinapaaresto na ang mga tambay. Ito ay malinaw na paglabag sa Republic Act 10158 at karapatang-pantao. Bukod dito, ang anti-tambay campaign ng PNP ay isa na namang anti-poor na polisiya ng administrasyong Duterte. Mga naninirahan sa mga mahihirap na lugar sa Metro Manila ang pinupuntriya ngayon at pinag-aaresto.

Napakaliit ng tingin ni Duterte sa mga mahihirap. Bukod sa pahirap na TRAIN Law, ang administrasyong Duterte ay nagsusulong pa ng mga polisiyang direkta ang banta sa buhay ng mga mahihirap nating kabababayan. Nakakalimutan yata ng pangulo na kaya siya nakaupo sa kinalalagyan niya ngayon ay dahil din sa mga mahihirap na bumoto sa kanya noong nakaraang eleksyon sa pag-asang mapapabuti at mababago nito ang kalagayan ng bansa. Ngunit imbes na tulungan sila ng gobyerno ay ito pa mismo ang kumikitil sa kanilang buhay.

Ang lagi ko ngang ani, ang administrasyong Duterte ay malupit sa kababayan pero mabait at sunud-sunuran naman sa dayuhan. Bukod sa tensyon sa West Philippine Sea, ang China din ang salarin ng problema natin sa droga. Nagmumula sa China ang karamihan sa supply ng droga sa ating bansa at Chinese nationals din ang nasa likod ng mga shabu laboratories. Ang laging tanong ng mga Pilipino, bakit ang mga dayuhang ito ay hindi kinakanti sa giyera kontra ilegal na droga gayung sila ang dahilan kung bakit nasissira ang buhay ng marami nating kababayan?

Makaraan ang halos dalawang taon, isa lamang ang napatunayan ng administrasyong Duterte – ang tapang at malasakit na ibinandera ni Duterte noong kampanya ay hindi para sa interes at kapakanan ng mga Pilipino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?