9

Jan 12, 2021 @ 17:42
By

Mahihirap na LGU ‘di pababayaan sa COVID vaccine – Palasyo

Tiniyak ng Malacañang sa mga lokal na pamahalaan na walang kakayahang bumili ng sariling bakuna na hindi sila maiiwanan sa vaccination program ng gobyerno.

Sa harap na rin ito ng pahayag ng ilang alkalde sa Metro Manila na bibili sila ng sariling bakuna para sa kanilang constituents.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang National Task Force on COVID-19 ang bibili ng bakuna para sa lahat ng mga Pilipino, pero dahil may mga lokal na pamahalaan na may kakayahang bumili ay pinayagan ito ng IATF.

Malaking tulong aniya sa national government ang pagbili ng sariling bakuna ng mga mayamang lokal na pamahalaan dahil magiging kabawasan ito sa gastusin ng national government.

“Hindi po kasi ang national government, ang NTF handa na siya mismo ang bumili para sa lahat. Pero dahil ang mga LGU ay may mga pondo sila at may kakayahan at ninanais na tulungan ang national government, hindi po natin minasama ‘yon. Tinanggap natin ‘yung kanilang mga offer na tumulong,” ani Roque

Ang boluntaryong pagbili ng bakuna aniya ng ilang Metro mayor para sa kanilang constituents ay para mabilis na makarating sa mamamayan ang bakuna laban sa COVID-19.

“Ito po ay bayanihan para makarating sa pinakamaraming kababayan natin ang bakuna sa lalong mabilis na panahon,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?