214

Mar 27, 2018 @ 19:21
By

30 bus nasampolan sa anti-colorum crackdown

Buwena-mano sa anti-colorum crackdown na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mahigit 30 bus sa Metro Manila.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesman Pol. Chief Supt. John Bulalacao na batay sa report ng Philippine National Police Highway Patrol Group, mahigit 30 colorum na bus na bumibiyahe sa Metro Manila ang nasampolan ng crackdown at mayroon din aniyang mga naaresto ang mga otoridad sa mga lalawigan matapos ipatupad ang utos ng Pangulo.

“Patuloy naman na ginagampanan ng Highway Patrol ang kanilang tungkulin lalung-lalo na doon sa kautusan ng ating Presidente na i-address iyong colorum. In fact yesterday, the Director of the Highway Patrol has already reported to have impounded more than 30 buses here in Metro Manila and quite a number also in the provinces,” ani Bulalacao.

Ang paghuli sa mga colorum na sasakyan ay ipinag-utos ng Pangulo noong nakalipas na linggo dahil sa malagim na aksidenteng sinapit ng Dimple Star bus nang mahulog sa Bangin sa Sablayan, Occidental Mindoro.

Sinabi ng Presidente na matagal nang problema ang kolorum sa bansa at tila cancer na ito na hindi nalulunasan dahil hindi masyadong pinagtuunan ng pansin ng mga nakalipas na administrasyon.

Kawawa aniya ang mga biktima kapag nagkakaroon ng disgrasya sa mga kolorum na sasakyan dahil walang insurance ang mga ito na pangsagot sa mga pasahero.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?