54

Sep 14, 2021 @ 14:13
By

Mahigit 10k pamilya tumanggap ng 10k ayuda

Umabot na sa 10,458 mahihirap na pamilya ang nabigyan ng cash assistance sa ilalim ng Sampung Libong Pag-asa initiative ng grupong Balik sa Tamang Serbisyo (BTS) sa Kongreso na pinamumunuan ni dating Speaker Alan Peter Cayetano.

Layunin ng programa na bigyan ng tulong ang mga pamilya na lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Binigyan ng tig-P10,000 tulong ang may 200 indibidwal kasama ang mga Barangay Health Workers (BHW) sa programa noong Biyernes.

Sa naturang bilang, 150 benepisyaryo ang pinili sa tulong ng pamahalaang lungsod ng Maynila, Muntinlupa, San Juan, at Mandaluyong. Ang nalalabing 50 ay pinili mula sa mga nanood sa mga nakalipas na Facebook livestream ng programa.

Ayon sa dating Speaker adbokasiya na ng kanyang misis na si Taguig Rep. Ma. Laarni ‘Lani’ Cayetano na tulungan ang mga BHW.

“Si Lani has really been working hard sa ating mga frontliners, lalo sa nutrition scholars, barangay tanods, at barangay health workers. From the start, y’un ang request niya sa akin, ang mga barangay health workers in most areas around the country, dahil kapos o salat sa budget ang ating mga LGUs, ay allowance lang,” sabi ng dating lider ng Kamara.

Sinabi ni Rep. Lani na maraming BHW ang tumatanggap lamang ng allowance mula sa mga lokal na pamahalaan sa kabila ng kanilang malaking papel na ginagampanan ngayong may pandemya.

Ang Sampung Libong Pag-Asa program ay inilungsad noong Mayo 1 upang tulungan ang mga mahihirap na lubhang naapektuhan ng pandemya.

Inilungsad ito bilang bahagi ng kampanya na isama ang pagbibigay ng P10,000 tulong pinansyal sa bawat pamilya sa ilalim ng Bayanihan 3.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?