57

Feb 19, 2020 @ 14:22
By

Mahigit 100 Pinoy na sakay ng naka-quarantine na cruise ship, ayaw umuwi ng ‘Pinas

Tumangging magpa-repatriate ang mahigit 100 Filipino crewmen ng naka-quarantine na Diamond Princess cruise ship sa Yokohama, Japan.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III sa panayam sa Radyo Inquirer, ang ibang Pilipino na gustong manatili sa barko ay dahil sa pangambang mawalan sila ng trabaho.

Nitong Miyerkoles, Pebrero 19 ang pagtatapos ng 14-araw na isolation sa mga pasahero at crew ng nasabing barko.

Sinabi kamakailan ng Philippine Embassy sa Japan na kabuuang 538 Pilipino sa cruise ship ang hinahandang i-repatriate sa Marso 5.

“Mga 100 mahigit ang gustong manatili, ayaw magpa-repatriate. Rerespetuhin natin ‘yung kanilang desisyon,” wika ni Duque.

Kapag naman dumating ng Pilipinas, isasailalim uli sa 14-araw na quarantine ang mga Pilipino na nagpa-repatriate.

Samantala, as of February 18, 2020, kabuuang 35 Pilipino na sakay ng cruise ship ang nagpositibo sa coronavirus disease.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?