88

By

Mahahalagang deklarasyon aaprubahan sa East Asia Summit

Sharing is caring!

Bukod sa ASEAN Summit, gaganapin din sa Pilipinas ang 12th East Asia Summit na dadaluhan ng mga pinuno mula sa 18 bansa.

Kasama sa mga dadalo sa nasabing pagpupulong ang mga pinuno ng sampung bansa na kasapi ng ASEAN, Australia, China, India, Japan, New Zealand, South Korea at Estados Unidos.

Ang EAST Asia Summit ay ginaganap pagkatapos ng pagpupulong ng mga ASEAN Leader.

Nakatakdang idaos ang East Asia Summit sa Martes sa PICC sa CCP Complex.

Ang unang East Asia Summit ay idinaos sa Kuala Lumpur, Malaysia noong December 14, 2005.

Ito na ang ikalawang beses na nag-host ang Pilipinas ng East Asia Summit, ang una ay noong January 2007 sa Cebu kung saan nilagdaan ang Declaration on East Asian Energy Security na nagsusulong ng pagtiyak sa energy security at paghahanap ng alternatibong mapagkukunan ng enerhiya.

Inaasahang aaprubahan sa gagawing summit ang inilatag na Manila Action Plan na tumututok sa kooperasyon ng mga bansang kasapi ng East Asia Summit sa aspeto ng enerhiya, edukasyon, pananalapi, pandaigdigang kalusugan, kapaligiran disaster management at ASEAN Connectivity.

Inaasahan ding aaprubahan ng mga pinuno ang mga sumusunod na deklarasyon:

– EAS’ Declaration on Anti-Money Laundering and Countering Financing of Terrorism na iminungkahi ng Australia;

– EAST Declaration on Preventing and Countering the Spread of Terrorist ideology na imungkahi ng Russia;

– EAS Leaders’ Statement on the Chemical Weapons na ipinanukala ng Estados Unidos;

– EAS Statement on Cooperation in Poverty Alleviation na iminungkahi ng China

Sa idinaos na pulong ng mga foreign minister mula sa mga bansang kasapi ng East Asia na idinaos sa Pilipinas noong Agosto, kasama sa mga tinalakay ang isyu ng terorismo kung saan nagpahayag ang mga minister ng pagkahabala sa tumataas na insidente ng terorismo at radicalization.

Ikinalugod din ng mga foreign minister ang gumagandang maritime cooperation sa pagitan ng ASEAN at ng mga partner nation nito kaugnay sa isyu ng South China Sea partikular na ang kooperasyon sa pagitan ng ASEAN at China lalu pa’t nagpapatuloy ang negosasyon kaugnay sa Code of Conduct in the South China Sea.

Sa nasabi ring pulong ay binigyang diin ng mga minister ang kahalagahan na mapaghusay ang tiwala, kumpyansa, self-restraint, at ang mapayapang resolusyon sa hidwaan sa isyu ng South China Sea nang hindi gumagamit ng pagbabanta o dahas at dapat ay alinsunod sa itinatakda ng 1982 Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.

Maging ang isyu rin tensyon sa Korean Peninsula ay kasama sa mga natalakay, partikular na ang paglulunsad ng North Korea ng mga ballistic missile test. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?