141

Jan 21, 2019 @ 15:05

Magulang ng parurusahang minors, ipakulong din – Palasyo

Aprub sa Malacañang ang isinusulong na panukalang batas na panagutin sa batas ang mga batang siyam na taong gulang na nakagawa ng krimen.

Sa harap na rin ito ng mga batang menor de edad na malalakas ang loob gumawa ng krimen dahil hindi sila nakukulong at napaparusahan sa ilalim ng batas.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na pabor sila na isulong ang panukala dahil proteksiyon na rin ito para sa mga batang ginagamit ng mga sindikato at mga kriminal sa kanilang iligal na gawain.

Naniniwala ang kalihim na nakakaintindi na ng tama at mali ang isang siyam na taong gulang na bata at kung nakagawa man ng krimen ang iba sa mga ito ay sa dahilang wala silang magagawa lalo na kapag hawak ng mga sindikato.

“From the point of view of the President, the law presently is being used by the criminals to use the children. So to my mind, he wants that amended to protect the children. But apparently, those opposing it don’t see it that way, mali ata ang tingin nila,” ani Panelo.

Batay sa report ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency, kalimitang ginagamit ng mga sindikato ay edad sampu, siyam para sa kanilang iligal na operasyon.

Pero bukod sa pagpapanagot sa mga batang menor de edad, sinabi ni Panelo na dapat panagutin din ang mga magulang ng minor offenders sa pamamagitan ng pagpapakulong sa mga ito.

Katunayan ani Panelo ay ginawa na ito ng Pangulo noong alkalde pa ito sa Davao City.

“From the point of view of the President, ang mga parents dapat may liability din.They allow them to be used in criminal activities, eh di kulong or maybe they will deprived of parental custody, masakit ‘yon pag tinanggalan ka ng karapatan,” ani Panelo.

Pero sinabi ng kalihim na ipapaubaya na nila sa Kongreso ang pagpapasya hinggil sa nabanggit na panukala.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?