106

Dec 19, 2017 @ 14:01
By

Magulang ng batang naturukan ng Dengvaxia at namatay, maghahain ng kaso

Desidido ang mga magulang ng 11-taong gulang na batang si Christine Mae De Guzman na naturukan ng Dengvaxia at namatay dahil sa severe dengue na maghain ng reklamo.

Ang mag-asawang sina Nelson De Guzman at Marivic De Guzman ay nagpasaklolo sa Public Attorney’s Office (PAO) at sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) para masampahan ng kaso ang mga responsable sa pagkamatay ng kanilang anak.

“Aming hinihiling na masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagkamatay ng aming anak na si Christine,” ang nakasaad sa pinagsamang sinumpaang salaysay ng mag-asawang De Guzman.

Anila, hindi nila akalain na ang bakuna na itinurok sa kanilang anak at nakuha nang libre mula sa gobyerno ay magiging sanhi ng kapahamakan at kamatayan ni Christine.

Inilahad pa ng mag-asawa na maliban sa sipon at ubo na normal na karamdaman ng mga bata, hindi pa kailanman nagkaroon ng matinding karamdaman si Christine kaya labis ang kanilang sakit na nararamdaman para mabawian ng buhay ang kanilang anak nang dahil sa kapabayaan ng ibang tao.

“…nakakapanghinayang at napakasakit para sa amin na siya ay bawian ng buhay sa kanyang edad nang dahil lamang sa kapabayaan, pagkaganid at pagkagahaman ng ibang tao,” saad nina Nelson at Marivic sa kanilang affidavit.

Si Christine ay naturukan ng Dengvaxia noong Abril 6, 2016 sa kanilang paaralan na Sisiman Elementary School sa Mariveles, Bataan, habang Oktubre 15, 2016 nang siya ay pumanaw ng dahil sa disseminated intravascular coagulopathy at severe dengue.

Kalakip ng kanilang affidavit ay ang death certificate ni Christine.

Sa lamay umano ni Christine, isang empleyado mula sa Municipal Health Center ang nagsabi sa kanila na ang kanilang anak ay pang-42 na kaso na, pero hindi nila matiyak kung ang tinutukoy ng kanilang kausap ay kaso ng mga tinamaan ng dengue o mga namatay dahil sa bakuna.

“Sa lamay ni Christine, madaming dumalo at may isang nakapagsabi na nagtatrabaho sa Municipal Health Center na pang-apatnapu’t dalawang kaso na ang kay Christine. Hindi ko po matiyak kung ang ibig niyang sabihin ay kaso ng mga tinamaan ng dengue o ng mga namatay pagkatapos maturukan ng anti-dengue vaccine,” paglalahad ng mga De Guzman sa kanilang affidavit.

Ang mag-asawang De Guzman ay kasama ni PAO Chief Atty. Percida Acosta at ng mga miyembro ng VACC na humarap sa isang pulong balitaan.

Ang PAO ay inatasan naman ni Department of Justice Secretary Vitaliano Aguirre II para magbigay ng libreng tulong-ligal para sa mga pasyenteng maaaring dumanas ng pinsala, sakit o nasawi nang dahil sa Dengvaxia. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?