593

By

Magulang ng aktor, timbog sa shabu

Sharing is caring!

Naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang nanay at tatay ng isang aktor, kabilang ang isa pa sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City.

Kinilala ni Novaliches Police Station (PS 4) commander PSupt Rossel Cejas ang mga naaresto na sina Engelbert Garcia Peralta, alyas ‘Engil Peralta’, 46-anyos, at asawang si Jean Magalona Peralta, 49-anyos, kapwa residente ng No. 5 Congressional Village, Proj. 8, Bahay Toro, QC, at Ronnie Cabalang Telan, alyas ‘Tangkad’, 32, ng 44 Champaca st. Espacio Bernardo Condominium, Brgy Sauyo, Novaliches.

Ang mag-asawang Peralta ay sinasabing mga magulang ng aktor na dating GMA talent na si Hiro Magalona Peralta (Hirojenel Benz Magalona Peralta sa tunay na buhay) at pinsan ni Maxene Magalona.

Ayon kay Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pamumuno ni PSr. Insp. Dennis P. Francisco, dakong ala-1:15 ng madaling-araw nang madakip nila ang tatlong suspek sa isinagawang buy-bust operation sa 24 Hour Bingo na matatagpuan sa Kingspoint, Brgy. Bagbag, Novaliches, QC

Nabatid na ang ama ng aktor na si Engelbert ay dati nang sumuko sa Oplan Tokhang ng pulisya at dati nang may kaso ng Section 11 ng RA 9165 sa Masambong Police Station 2 noong 2015, at kabilang sa drug watchlist sa Brgy. Bagbag, habang ang misis naman nitong si Jean at kasamang si Telan ay bago pa lang nakilala bilang mga drug personalities.

Hindi naman nagbigay ng pahayag si Engelbert, pero ang kanyang asawa at kasama ay itinangging nagbebenta sila ng droga at sa halip ay sinabing nagbibingo lamang sila nang arestuhin.

Nakumpiska sa mga suspek ang 18 plastic sachets ng shabu, P500 buy-bust money, Toyota Corolla na kulay pula, isang Toyota Adventure na kulay gray, pouch at isang Nokia cell phone.

Ang mga suspek ay nakapiit ngayon sa Novaliches Police Station 4 habang inihahanda ang kasong paglabag sa Sec. 5 & 11 of RA 9165, Direct Assault at Resisting Arrest.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?