206

Dec 10, 2019 @ 15:02
By

Maguindanao Massacre timeline: 1 dekada ng paghahanap ng hustisya

Isang dekada na ang nakalipas mula nang mapatay ang 58 katao sa provincial capitol sa Ampatuan, Maguindanao noong 2009.

Itinuring itong pinakamalalang atake sa media dahil 32 sa mga napaslang na biktima ay mga mamamahayag at itinuring din itong pinakamatinding kaso ng election-related violence sa kasaysayan ng Pilipinas.

Isa sa mga primary suspek ay si dating Maguindanao provincial governor Andal Ampatuan Sr. na pumanaw na noong July 2015.

Noong Oktubre 2016, bumuo si Pangulong Rodrigo Duterte ng presidential task force on media killings kung saan isa sa mga prayoridad nito ay ang kaso ng Maguindanao massacre.

Balikan natin kung saan nga ba nagsimula ang malagim na bahaging ito ng kasaysayan ng Pilipinas:

Nobyembre 23, 2009 – 58 katao ang napatay sa Sitio Masalat, Barangay Salman, Ampatuan Maguindanao. Karamihan sa mga biktima nito ay bahagi ng convoy patungo sa provincial capitol upang mag-file ng certificate of candidacy ni Esmael Mangudadatu bilang gobernador, kaya itinuring itong worst case ng election-related violence sa kasaysayan ng bansa.

Ayon sa Committee to Protect Journalists (CPJ) ikinokonsidera rin itong single deadliest attack laban sa media dahil 32 sa mga nasawi ay mga journalist.

Ang makapangyarihang angkan ng mga Ampatuan ang hinihinalang salarin sa intensyong pigilan ang gubernatorial candidacy ni Mangudadatu.

Nobyembre 24, 2009 – matapos utusan ang mga awtoridad na hulihin ang mga salarin, inilagay ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang lalawigan ng Maguindanao, Sultan Kudarat, at Cotabato City sa ilalim ng state of emergency via Proclamation No. 1946 upang maiwasan na magkaroon ng katulad na insidente.

Nobyembre 26, 2009 – isinuko ni Datu Unsay mayor Andal Ampatuan Jr. ang sarili sa noo’y presidential adviser for Mindanao affairs na si Jesus Dureza. Mula sa General Santos City, dinala siya sa Manila at dinetene sa National Bureau of Investigation (NBI).

Disyembre 1, 2009 – sinampahan ng 25 counts of murder si Ampatuan Jr. sa Cotabato City Regional Trial Court (RTC).

Disyembre 2, 2009 – nasamsam ng kapulisan ang sandamakmak na mga armas sa mansyon ni Andal Ampatuan Sr.

Disyembre 5, 2009 – isinailalim sa Martial law sa pamamagitan ng Proclamation No. 1959 ang Maguindanao. Na-aresto ang ilan sa mga suspek kabilang na si Ampatuan Sr. at Zaldy Ampatuan.

Disyembre 8, 2009 – inilipat ang kaso sa Quezon City bilang pagsunod sa Supreme Court en banc.

Disyembre 15, 2009 nang ipahawak kay Judge Luisito Cortez ang kaso ngunit tinanggihan niya ito dahil sa takot na mapahamak ang kaniyang pamilya at mga tauhan. Ibinalik din ito sa Quezon City RTC.

Enero 5, 2010 – sumumpa ng NOT GUILTY si Ampatuan Jr sa kaniyang 48 bilang ng kasong pagpatay. Habang ang 15 karagdagang bilang ng kaniyang kaso ay isinampa noong Pebrero 3.

Pebrero 9, 2010 – nagsampa ang Manila panel ng 56 amended murder informations laban kay Ampatuan Jr at sa 196 iba pang akusado kabilang na si Ampatuan Sr.

Marso 10, 2010 – isinampa ang kasong administratibo sa National Police Commission (Napolcom) na layuning sibakin ang nasa 20 kapulisan at suspendihin ang 11 iba pa.

Marso 25, 2010 – iniutos ng Korte na arestuhin ang 196 suspek. Matapos ang ilang araw ay binasura din ang kasong rebelyon laban sa angkan ng Ampatuan.

Hunyo 14, 2010 – pinatay si Suwaib “Jessie” Upham, prosecution witness, ng hindi nakilalang gunmen sa Parang, Maguindanao.

Marso 9, 2011 – nag-isyu ng Department order no. 172 ang noo’y justice secretary na si Senadora Leila De Lima na siyang naglagay sa iba pang mga indibidwal sa prosecution panel.

Hunyo 9, 2011 – nanumpa ng NOT GUILTY si Andal Ampatuan Sr.

Hunyo 14, 2011 – pinayagan ng Korte Suprema na magkaroon ng live coverage ang media sa Maguindanao massacre trial.

Marso 2012 – Inanunsiyo ni Private prosecutor Nena Santos na pinatay ang state witness na si Esmael Enog. Sa kasagsagan ng paglilitis, tumestigo si Enog na ipinagmaneho niya ang halos 36 armadong kalalakihan sa lugar kung saan naganap ang pagpatay.

Setyembre 2012 – Nagsampa ng kaso ang prosecution kaugnay sa pagpatay sa ika-58 biktima na si Reynaldo Momay.

Oktubre 23, 2012 – binawi ng Korte Suprema ang una nitong desisyon na payagan ang media na i-cover ang paglilitis bilang pagtugon sa motion for reconsideration ng kampo ng Ampatuan matapos na igiit ni Andal Ampatuan Jr, na ang pagkakaroon ng live coverage ay paglabag sa kaniyang karapatan sa due process.

Disyembre 13, 2012 – Nag-plead si Zaldy Ampatuan na siya ay hindi guilty sa kasong pagpatay.

Disyembre 10, 2013 – nag-isyu ang Korte Suprema ng guidelines na may layuning madaliin ang Maguindanao Massacre proceedings.

Inutusan ng Mataas na Korte ang presiding judge na i-require ang mga natitira pang witness ng prosecution at maging ng defense panel na mag-submit ng judicial affidavits imbes na direct testimonies, sampung araw bago ang itinakdang araw ng testimonya.

Marso 2014 – Ipinaubaya na ng prosecution sa mga judge ang kaso.

Hunyo 2014 – Pormal na ipinaalam ng The Fortun, Narvasa and Salazar law firm ang QC RTC Branch 221 sa kanilang withdrawal bilang counsel ng mga Ampatuan.

Setyembre 2014 – Naging bahagi ng legal team ni Ampatuan Jr ang abogado at ngayo’y Presidential Spokesman na si Salvador Panelo. Ayon sa artikulo ng Philippine Star sinabi umano ni Panelo na na-frame up lamang ang mga Ampatuan upang maagaw mula sa mga ito ang kanilang political power.

Oktubre 13, 2014 – Pinagbigyan ng QC RTC branch 221 ang petisyon ng 16 na akusadong police officer na maghain ng piyansa na nagkakahalaga ng 11.6 milyong piso para sa kanilang lahat.

Nobyembre 18, 2014 – Isang witness na naman ang pinatay habang sugatan naman ang isa pa sa naganap na ambush sa bayan ng Shariff Aguak. Sina Dennix Sakal, na namatay na tadtad ng tama ng bala ng baril at si Butch Saudagal na siyang sugatan ay parehong dating empleyado ni Ampatuan Jr, na siyang prime suspect ng nasabing kaso.

Enero 9, 2015 – pinahintulutan ni Judge Jocelyn Solis-Reyes na magpiyansa si Sajid Islam Ampatuan, anak ni Andal Ampatuan Sr, isa sa mga umano’y mastermind ng Maguindanao Massacre. Samantala, binasura naman niya ang petisyong magpiyansa ang isa pang anak ni Ampatuan Sr na si Anwar Ampatuan Sr., at ang son-in-law nito na si Akmad “Tato” Ampatuan.

Ayon sa desisyon ni Solis-Reyes, bigo ang prosecution na maghain ng malakas na ebidensya na magdidiin kay Sajid upang manatiling nakakulong habang patuloy ang paglilitis. Ang piyansa nito ay nagkakahalaga ng P200,000 sa kada bilang ng kasong pagpatay, ito ay may kabuuang P11.6 milyon para sa 58 bilang ng kaso na isinampa laban dito.

Nagpiyansa ito at nabigyan ng pansamantalang kalayaan dalawang buwan makalipas ang Marso 9, 2015.

Abril 24, 2015 – binasura ni Solis-Reyes ang petisyon ni Andal Ampatuan Sr. na magpiyansa. Aniya, nabatid ng Korte na ang ebidensyang inihain laban sa kaniya ay matibay at mayroon pa umanong ebidensya na minonitor niya ang naganap na pagpatay sa pamamagitan ng “numerous phone and radio calls”.

Hulyo 17, 2015 – pumanaw si Andal Ampatuan Sr. matapos ma-confine nang halos 2 buwan sa National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City.

Setyembre 15, 2015 – binasura ng korte ang petisyon ni Zaldy Ampatuan na magpiyansa.

Disyembre 9, 2015 – sinibak ng Napolcom ang 20 mga pulis at sinuspinde ang 11. Napatunayang ang 20 kapulisan ay nakipagsabwatan kay Ampatuan Jr at sa kaniyang mga armadong tauhan upang maisagawa ang massacre habang ang 11 iba ay nasuspend dahil sa “less grave neglect duty”.

Hunyo 2016 – nagsimula ang presentasyon ng defense evidence.

Nobyembre 15, 2016 – naresolba ang ikalawang yugto ng formal offer of evidence (FOE) ng 45 akusado. Itinakda naman ang inisyal na presentasyon ng mga ebidensya simula Enero 19, 2017.

Pebrero 2017 – sinuportahan ng Court of Appeals ang desisyon ng QC RTC Branch 221 na payagan si Sajid Ampatuan na magpiyansa.

Mayo 30, 2017 – Hindi pinahintulutang magpiyansa si Andal Ampatuan Jr.

Pebrero 26, 2018 – In-affirm ng Court of Appeals ang desisyon ng QC RTC Branch 221 na payagang magpiyansa ang 16 na pulis. Ayon sa CA at sa RTC, hindi sapat ang ebidensya laban sa mga ito.

Abril 18, 2018 – Ibinasurang muli ng Court of Appeals ang petisyon ni Zaldy Ampatuan at in-uphold ang desisyon ng QC RTC na may malakas na ebidensya laban dito.

Hunyo 19, 2018 – Ayon sa noo’y presidential spokesperson na si Harry Roque, iniutos ng Pangulo sa prosecution panel sa kaso ng Maguindanao Massacre na siguraduhing magagawa ang partial ruling para sa ilang mga akusado sa pagtatapos ng 2018.

Hulyo 10, 2018 – In-uphold ng Court of Appeals ang order na pagbawalan si Police Inspector Rex Ariel Diongon, Police Officer 1 Rainier Ebus, at Mohammad Sangki na maging state witnesses.

Agosto 21 2018 – Pinayagang umalis sa bilangguan si Zaldy Ampatuan upang dumalo sa kasal ng kaniyang anak. Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology Spokesperson Xavier Solda, nagawang dumalo ni Ampatuan sa kasal ng anak sa pamamagitan ng pag-secure ng court order na maaari siyang umalis sa bilangguan mula alas-4 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

Dinagdag pa ng BJMP na wala silang impormasyon sa kung aling Korte ang nagbigay pahintulot kay Ampatuan na mag-celebrate sa labas ng bilangguan.

Agosto 24, 2018 – Nagpahayag ng sama ng loob si Maguindanao 2nd District Representative Zajid “Dong” Mangudadatu at sinabing labis ang sakit na dulot sa kaniyang angkan ng desisyon ng Korte na payagan si Ampatuan na pansamantalang lumaya upang dumalo sa kasal ng anak.

Setyembre 30, 2018 – Naiulat naman ng Philippine Star na ang isa sa mga witness na si Thonti Lawani ay binawi ang kanyang testimonya laban sa mga pangunahing suspek at sinabi pang pinilit lamang ito para tumestigo.

Nobyembre 5, 2018 – pormal na naghain ng ebidensya si Ampatuan Jr sa QC RTC

Mayo 13, 2019 – nahalal na mayor ng Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao si Datu Sajid Islam Ampatuan, isa sa mga principal suspect ng Maguindanao Massacre.

Hulyo 17, 2019 – natapos ang paglilitis matapos ang 10 taon.

Agosto 22, 2019 – Dineklara ng Korte na isinumite na ang kaso para sa desisyon.

Oktubre 14, 2019 – Pormal na ibinasura ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng QC RTC 221 ang kaso laban sa mga suspek na namatay sa panahon ng paglilitis, kabilang na si Andal Ampatuan Sr. na namatay noong 2015.

Oktubre 21, 2019 – Na-ospital si Zaldy Ampatuan dahil sa diumano’y sakit sa puso.

Nobyembre 7, 2019 – Pinahintulutan ng Supreme Court ang hiling ni Judge Reyes na i-extend ng 30 araw o hanggang Disyembre ang promulgation of judgment.

Disyembre 19, 2019 – nakatakdang maganap ang promulgation of judgment sa matinding kasong ito na naganap sa kasaysayan ng Pilipinas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?