16

Aug 16, 2021 @ 13:57

Magtatag ng centralized database ng mga bakunado – Gatchalian

Inirekomenda ni Senador Win Gatchalian ang pagkakaroon ng centralized database system para sa lahat ng mga nabakunahan upang mapaigting ang pag-monitor sa mga bakunadong indibidwal pati na rin ang mga hindi pa nakakatanggap ng bakuna at maiwasan ang mga magtatangkang makakuha ng booster shot sa panahong marami pa ang hindi nababakunahan.

Ayon kay Gatchalian, dapat isama sa listahan ang mga nakatanggap ng bakuna mula sa pribadong sektor o mga bakunang binili at ibinigay ng mga pribadong kumpanya sa kanilang mga empleyado.

“Dapat matagal na itong centralized database dahil dito natin makikita kung merong nag-doble sa pagpapabakuna. Hindi natin maiiwasan minsan na merong ilan na hindi lang isa ang address,” ani Gatchalian.

“Nakakalungkot na merong nananamantala ng sitwasyon. ‘Yung iba, nagpabakuna na sa isang LGU tapos nagpabooster shot pa sa ibang LGU. Kung may centralized database tayo, mabilis at maiiwasan ang ganitong pananamantala lalo na’t marami pa ang hindi nababakunahan,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng tripartite agreement ng pribadong sector sa gobyerno, sinabi ni Gatchalian na obligado ang mga pribadong kumpanyang nakabili na ng kanilang suplay ng bakuna na magsumite ng listahan ng mga taong nabakunahan na para sa mas maayos na sistema ng pagmomonitor.

Aniya, dapat isama ito sa binabalangkas ng Department of Information and Technology (DICT) na digital o unified vaccine certificates para sa mga taong fully-vaccinated na.

“Gawin nang uniform ng DILG at DOH ang mga vaccination cards para nakahanda na tayo kapag naging global standard na ang vaccination card,” ayon kay Gatchalian.

“Sana meron na tayong single uniform vaccination card na gagamitin ng mga LGUs. Hindi talaga ire-recognize ng mga advanced countries ang individual vaccination cards ng iba’t-ibang LGUs,” dagdag pa ng senador.

Ang VaxCertPH na hinahanda na ng DICT sa pakikipagtulungan sa Department of Health (DOH) ay ipamimigay sa mga taong nakakumpleto na ng bakuna sa bansa at ito ay batay sa pamantayan at technical specifications ng World Health Organization (WHO).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?