23

Nov 18, 2021 @ 16:16
By

Magsasaka baon sa utang sa sirit presyo ng pataba – Imee

Nanawagan si Senadora Imee Marcos sa Department of Agriculture (DA) na kagyat na aksyunan para maibaba ang presyo ng mga pataba sa harap ng paghahanda ng mga magsasaka sa susunod na panahon ng taniman ng palay.

Babala ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, na hindi lang paglaki ng gastusin ng mga magsasaka sa produksyon nito ang epekto ng mataas na presyo ng pataba kundi maging sa presyo na rin ng lokal na bigas sa mga mamimili.

Tinawag ng senadora na “double whammy” o dobleng dagok ang dulot ng presyo ng fertilizer kasabay ng pagtaas sa presyo ng gasolina na makakaapekto sa gastusin ng mga magsasaka sa irigasyon at transportasyon.

“Lalong ibinabaon sa utang ang mga magsasaka dahil sa mataas na presyo ng mga pataba bago pa man nila maitanim ang mga binhi. Habang sa panahon naman ng anihan, pinadadapa lang lalo ng murang mga imported rice ang mga farmgate price,” diin ni Marcos.

“Dapat sana, naipamahagi na ng DA ang mga subsidiyang mga pataba bago pa sumapit ang tag-ulan, kasama ang mga binhi. Eh nasaan na kasi ang badyet para sa mga fertilizer?” tanong ni Marcos.

Noong unang bahagi ng Enero ang presyo ng mga pataba ay nasa Php1,044.65 sa Urea, 1,063.77 naman sa kumpletong fertilizer, at Php987.39 para a 16-20-0 fertilizer, ayon na rin sa Fertilizer and Pesticide Authority (FPA).

Sa reklamong idinulog ng mga magsasaka sa tanggapan ni Marcos, idinaing nilang mahigit sa doble ang itinaas ng presyo ng mga pataba na may 50-kilogram sa kada sako ng Urea na nagkakahalaga na ngayon ng Php2,300; Complete Fertilizer (14-14-14) na mabibili na sa Php1,750; at 16-20-0 mix na ibinibenta na ngayon sa Php1,650.

Ang mga nasabing presyo ng mga magsasaka ay mas mataas pa sa naisapublikong presyo ng FPA nitong nagdaang linggo na nasa average lang na Php2,0333.58 para sa Urea, Php1,542.28 para sa Complete Fertilizer at Php1,422.08 naman para sa 16-20-0 fertilizer.

“Ipinakikita lang nito na malayo sa katotohanan o reyalidad ang isinasapublikong presyo ng FPA,” ani Marcos.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?