25

Jul 6, 2020 @ 8:45
By

Magpepetisyon vs. anti-terror law? Sige lang – Sotto

Tiwala si Senate President Tito Sotto na hindi matatakot ang mga hukom ng Korte Suprema sa dami o katanyagan ng magpepetisyon kontra sa anti-terrorism law.

Ang sisiyasatin pa rin aniya ng mga hukom ay ang nilalaman ng kanilang petisyon, kaya hinikayat niya ang paghahain ng petisyon.

“I do not think SC justices can be intimated (sic) by anyone or the number of petitions. Its (sic) about content!” tweet ni Sotto ngayong Lunes ng umaga.

“So you are filing? Be my guest!” aniya pa.

Matatandaang naghain na ng pinakaunang petisyon laban sa naturang batas ang grupo na pinangunahan nina Atty. Howard Calleja at dating education secretary Armin Luistro.

Giniit nilang unconstitutional ang nasa 11 probisyon ng RA 11479, at hiniling na maglabas ng temporary restraining order ang SC para mahinto ang pagpapatupad ng batas simula Hulyo 19.

Hinain nila ito electronically noong Hulyo 4, isang araw matapos maisabatas ang ATL, at balak magbigay ng hard copy ng petisyon sa SC ngayong Lunes, Hulyo 6.

Una na ring sinabi ni retired SC senior associate justice Antonio Carpio, sa isang webinar ng Management Association of the Philippines, na lalahok siya sa petisyon na kinukuwestiyon ang constitutionality nitong batas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?