23

Apr 28, 2021 @ 14:22
By

Magpapahinto sa ‘ivermectin pan-three’ kakaladkarin sa korte – Defensor

Magpapahinto sa ‘ivermectin pan-three’ kakaladkarin sa korte – Defensor

Nagbanta si Anakalusugan Rep. Michael Defensor na kakasuhan ang magpapahinto sa gagawing pamimigay ng libreng ivermectin sa Huwebes sa Matandang Balara, Quezon City.

Sinabi ni Defensor na malinaw na hindi bawal ang gumawa ng human grade Ivermectin sa bansa at hindi umano nila ito ibebenta kundi ipamimigay sa mga dapat uminom nito.

“If they will again stop this initiative, I will fight them in court because legally, compliant kami. On two occasions during the [House] hearings, sinabi nila na ito ay pupuwedeng i-proseso. Kung ito muli ay ihihinto nila at ang mga taong mahihirap ay hindi mabibigyan, I will fight them in court. Masyado na,” sabi ni Defensor.

Ayon kay Defensor napansin nito na ang mga humihingi ng libreng Ivermectin sa kanila ay ang mga tao na mayroong access sa Internet. Marahil ito ay dahil sila ang nakakapagbasa ng mga impormasyon kaugnay ng pag-aaral na ginawa sa Ivermectin na ginagamit na rin sa paggamot sa mga may COVID-19 sa ibang bansa.

Upang magkaroon ng access sa Ivermectin ang mga mahihirap, dinala umano nila ito sa barangay.

“Pagdating doon sa mahihirap na komunidad na walang access sa internet, dito nagkakaproblema sa edukasyon at impormasyon. So kami, sa aking pananaw, sila ‘yung mas nangangailagan. Kasi kapag itong mga taong ito talagang nagkasakit, wala naman ‘tong gagawin na eh. Hindi nila alam ang gagawin,” wika pa ni Defensor.

Mayroon din umanong mga doktor sa lugar kung saan sila mamimigay na siyang aalalay at susuri sa mga nais na magparesita ng Ivermectin.

Hindi bababa sa tatlong tableta ang maaaring ibigay sa mga tao na nangangailangan nito.

Nauna rito, inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Science and Technology (DOST) na magsagawa ng clinical trial sa Ivermectin upang malaman kung nakatutulong ito sa pagpapagaling sa mga pasyenteng may COVID-19.

Ang Food and Drug Administration (FDA) naman ay nagbigay ang compassionate use permit sa limang ospital upang magamit ang Ivermectin sa kanilang mga pasyente.

Sinabi rin ni FDA Director-General Eric Domingo na maaaring magpagawa ng Ivermectin sa mga compounding laboratory ang mga tao na naresitahan nito.

Una nang sinabi ng World Health Organization na hindi nito nirerekomenda ang paggamit ng ivermectin sa COVID-19 patients gayong wala pang “strong data” para suportahan ang pagiging epektibo nitong gamot sa virus.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?