79

By

Magpahinog muna: Kai ‘di isasama sa Team ‘Pinas pool

Isa si Kai Sotto sa inaabangang atleta mula sa bansa na gumagawa na ng marka sa international scene.

Ngunit gayunpaman, hindi pa rin mamadaliin ni Team Pilipinas head coach Yeng Guiao ang pagpapahinog ng 16-anyos.

Papalapit na ang pakikipagtagisan ng Pilipinas sa mga bigating koponan sa buong mundo sa 2019 Fiba World Cup, simula Agosto ngayong taon ay haharapin ang mga top-ranked team tulad ng Serbia, Italy at Angola.

Hindi kaila na salat sa tangkad ang mga Pinoy pagdating sa basketball, posibleng mga 7-footer ang makaharap tulad nina Philadelphia 76ers giant Boban Marjanovic at Denver Nuggets star Nikola Jokic.

At kahit bagito pa si Kai, sa tangkad na 7-foot-3 ay paniguradong makakatulong ito para matapatan ang ilang higante sa World Cup, ngunit para kay Guiao, mas makabubuti para sa binata ang magpahasa pa bago sumabak kasama ang mga kuya.

Sa ngayon bilang pagsasakatuparan ng NBA dream, pinili ni Sotto na lisanin ang Pilipinas at magsanay abroad, na sinimulan na ang ensayo sa Atlanta para patuloy pang ma-improve ang kanyang laro. Bukod pa dito, inaasahan din na sasabak si Kai sa 2019 Fiba Under-19 World Cup sa Heraklion, Greece sa parating na Hunyo.

“We already did consider him sa isang window so siguro for now, we just want him to focus on the Under-19 and then focus on his plans to train abroad,” ayon kay Guiao.

“Hindi na namin siya siguro ilalagay sa pool for this time so that he can focus on those two things, competing in Greece and continuing his development abroad,” saad pa ng NLEX coach.

Tinanggihan man ngayon ni Guiao, patuloy pa ring inaabangan ang kahihinatnan ng tinaguriang ‘The Kaiju’ na posibleng maging kauna-unahang homebred Pilipino talent sa NBA.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?