26

Jan 13, 2022 @ 13:52
By

Magniniyog na sinalanta ni Odette tulungan gamit coco levy fund – Chiz

Nananalig si Sorsogon Gov. Chiz Escudero na bibilisan ng gobyerno ang pag-apruba sa Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) upang magka-pondo ng halagang P75 bilyon, mula sa levy funds, na magagamit upang matulungan ang mga magniniyog at maisayos ang kanilang lupa na sinalanta ng super typhoon Odette.

“Pinadapa ni Odette ang marami nating kababayan, kabilang ang mga magsasaka ng niyog. Kagyat na tulong ang kailangan upang mabilis na makabangon at pati na rin pondo upang buhaying muli at ayusin ang kanilang mga taniman,” ani Escudero. “Hindi sapat at hindi kasya ang emergency relief funds na ibinibigay ng PCA (Philippine Coconut Authority) para makabangon ang magsasaka.”

Iniulat ng Department of Agriculture na halos P12 bilyon ang naging danyos ng Odette sa agrikultura kung saan P1.6 bilyon dito ang sa industriya ng niyog.

Sa Eastern Visayas lamang, aabot sa P614 milyon halaga ng mga niyog ang nasayang dahil sa itinumba ng Odette ang mahigit 10 milyong puno na maaari na sanang anihin ang mga bunga kung kaya naapektuhan sa rehiyon ang halos 82,000 magniniyog.

Halos nasa P6 milyon pa lamang ang nailalabas na pondo mula sa PCA upang pansamantalang matulungan ang mga magniniyog sa ilang lugar sa bansa tulad ng Dinagat Islands, Southern Leyte, at Surigao.

Nakatakda namang gamitin para sa MIMAROPA, CARAGA, at Western, Central, at Eastern Visayas ang P225 milyong pondo na para sana sa coconut fertilization program ng PCA at gagamitin din ang ahensya pati na ang P34.4 milyong pondo laan sa intercropping program upang pansamantalang makapagsaka ang mga magniniyog ng kahit ibang pananim.

Ang Republic Act No. 11524 o ang “Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act”, na naging batas noong Pebrero 2021, ay nag-aatas sa PCA na gawin ang CFIDP na siyang maglalatag ng pangkalahatang direksyon at mga polisiya para sa pagsulong at rehabilitasyon ng industriya ng niyog sa susunod na 50 taon. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?