22

Oct 29, 2020 @ 13:15

Magna Carta para sa mga magsasaka, isinusulong sa Kamara

Upang mas mapabuti ang kanilang kalagayan sa panahon ng pandemya, isang panukalang batas ang inihain kamakailan sa Kamara na naglalayong gawing pormal ang mga karapatan ng mga magsasaka sa bansa.

Ayon kay House Assistant Majority Floor Leader Alfred de los Santos, napapanahon na upang bigyang pansin ang mga kakulangan sa sector ng agrikultura, kung saan napaulat ang mataas na insidente ng kahirapan—34 porsyento—base sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Base sa pinakasariwang numerong nakalap ng PSA, 40 porsyento ng underemployment sa bansa ay galing sa sekto ng agrikultura. Bukod sa underemployment, 29 porsyento ng mga walang trabaho ay galing din sa nasabing sektor na mas pinalala pa ng krisis pangkalusugan na mula sa pandemyang dala ng COVID-19 virus.

“Nakalungkot pong isipin na as an agricultural country, our farmers are experiencing poverty and underemployment. It is the main source of livelihood and food for a lot of Filipinos pero sila po ang naghihirap at walang makain,” pahayag ni de los Santos, kinatawan ng Ang Probinsyano Party-list.

Inihain kamakailan ni de los Santos ang House Bill No. 7133 o ang panukalang Magna Carta for Workers in the Agricultural Development Sectors na naglalayong bigyang halaga ang karapatan ng mga magbubukid hindi lamang upang suportahan ang nasabing sektor, kundi upang mas patatagin pa ito.

Nababahala ang kongresista sa balitang pagbaba ng kontribusyon ng agrikultura sa gross domestic product (GDP) ng bansa sa nakalipas na mga taon.

“Sa pamamagitan po nito, mas mabibigyan po natin ng tamang atensiyon ang kalagayan ng ating mga magsasaka, mapangalagaan ang kanilang mga karapatan, at para maisaayos ang pagbibigay ng karampatang mga benepisyo na nararapat para sa kanila,” ani de los Santos.

Binigyang diin ni de los Santos ang pagpapahalaga sa sektor ng agrikultura lalo na ang mga napaulat na kakulangan sa supply ng pagkain noong ipatupad ang halos tatlong-buwan na lockdown dahil sa enhanced community quarantine (ECQ) upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 virus.

“Nakita po natin kung gaano kahalaga na magkaroon ng food security ang ating bansa lalong-lalo na sa panahon ng sakuna or emergency tulad ng nararanasan natin ngayong pandemiya.” (CMC)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?