70

Sep 29, 2017 @ 20:33

Magkumpareng galing lamay niratrat

Patay ang isang lalaki habang kritikal ang kumpare nito makaraang pagbabarilin sila ng hindi pa kilalang suspek habang pauwi ang mga ito mula sa lamay ng isang kaibigan kamakalawa ng gabi sa Calabanga, Camarines Sur.

Kinilala ang nasawing biktima na si Rodel Reconday, 45, na nagtamo ng mga bala sa ulo at katawan habang kritikal ngayon ang kasama nitong si Ceriaco Rosales, 55, kapwa residente ng Barangay Binanuanan Grande ng nabatid na bayan.

Samantala, inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.

Sa ulat sa Police Regional Office (PRO) 5 sa Camp Simeon Ola, naganap ang insidente alas-10:00 ng gabi sa kahabaan ng Barangay Binanuanan habang lulan ng motorsiklo ang mga biktima pauwi mula sa lamay ng isang namayapang kaibigan.

Pagdating sa pakurbang bahagi ng kalsada ay bigla na lang lumitaw ang isang suspek na armado ng maikling kalibre ng baril at niratrat ang mga biktima.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?