135

Oct 27, 2017 @ 14:10

Magkumpare, nag-umbagan dahil sa noodles

Kapwa sugatan ang magkumpare matapos na magkapikunan dahil sa hindi ginamitan ng isa sa kanila ng tinidor ang pulutan na pancit canton, alas-10:00 kagabi sa Loyola St., Sampaloc, Maynila.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD) Station 4,  nagkaasaran ang magkumpareng Roberto Cruz, 53-anyos, at Ebbid Dumondon, 44, na kapwa na rin umano lasing.

Sa salaysay ni Cruz, nagalit siya kay Dumondon dahil imbes na gamitan ng tinidor ay hinalo na lamang ng kamay ng huli ang pulutan nilang pancit canton, kaya kanyang sinita.

Dahil kapwa na rin umano lasing ang dalawa, naghamunan ang mga ito ng suntukan na nagresulta ng pagputok ng kilay ni Cruz habang nagkasugat sa gitna ng ilong si Dumondon.

Dahil sa pangyayari’y kapwa kinasuhan ang dalawa ng  paglabag sa Section 844 ng Manila City Ordinance na Breach of Peace o pag-iiskandalo. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?