32

Sep 9, 2021 @ 19:24
By

Magkokomento sa SALN pinakukulong ng Ombudsman

Iminungkahi ni Ombudsman Samuel Martires sa Kongreso na amyendahan ang mga batas na may kaugnayan sa paghahain ng Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno.

Sa briefing ng House Committee on Appropriations ngayong Huwebes, sinabi ni Martires na nais nitong pagtugmain ang nakasaad sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (Republic Act 6713) at Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019).

Sinabi ni Martires, nais niya na payagan ang paglalathala ng SALN pero dapat ipagbawal na magkomento rito ang sinuman.

Ang mga magkokomento umano ay dapat makulong ng hindi bababa sa limang taon.

Ipinunto ni Martires na maaaring makasira ng reputasyon ng isang tao ang pagkokomento sa SALN.

“I had wanted to prove to my staff what the media can do to destroy a government official. I give my SALN. What happened? The following day, it was the banner story in one of the leading newspapers, ‘Ombudsman richer by P15 million in three months. So parang kumikita ako ng P5 million isang buwan. Sana nagtanong sila saan galing pera mo? But they’re not allowed. Even under the existing provision of 6713. They’re not allowed to make any comment,” paliwanag ni Martires.

Iginiit ni Martires na sa ilalim ng RA 6713 ay malinaw na “for publication walang komentaryo.”

Nagbabala naman si House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na lubhang mapanganib ang gusto ni Martires.

Iginiit ni Zarate na karapatan ng publiko na makapagpahayag ng kanilang saloobin at ang paglabas ng SALN ay bahagi ng transparency at accountability sa gobyerno.

“Hindi ba napaka-dangerous noon, na i-penalize natin ang ating mga mamamayan kung nagtatanong sila dahil guaranteed naman sa ating Constitution na mayroon silang freedom of expression and also the principle of transparency and accountability?” punto ni Zarate.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: ,