149

Nov 7, 2017 @ 15:43
By

Magkasintahan ginulpi muna bago hinoldap

Naaresto ng mga awtoridad ang isang binata na umano’y nanggulpi sa magkasintahan bago tinangay ang mga gamit ng dalawa nang holdapin ng una sa Malabon City kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni Malabon City Police Insp. Paul Dennis Javier, ganap umanong alas-singko ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Demata Letre, Barangay Tonsuya, ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umanong naglalakad noon sa nasabing kalye ang magkasintahang sina Mylene Pania, 30-anyos, at Jayjay Madio, 22, na pawang mga residente ng Phase 6 Flovi Home, Letre, ng nasabi ring lugar, nang bigla na lamang silang lapitan ng suspek na si Paoli Prolio, 18, ng Block 4 ng nasabi ring lugar.

Walang ano-ano ay bigla na lamang na pinagsusuntok ng suspek ang lalaking biktima sa batok nito hanggang sa mapadapa si Madio at tinangka pang manlaban ngunit hindi na rin nakatayo pa dahil sa sobrang pagkaagresibo ng una.

Agad namang umawat si Pania at inilayo ang suspek sa kanyang nobyo ngunit siya naman ang pinagbalingan nito at inumpisahang gulpihin.

Nang hindi na makalaban ang dalawang biktima ay sapilitan nang kinuha ng suspek ang mga kagamitan nito.

Kabilang sa mga natangay ang iPad na nagkakahalaga ng mahigit P20,000; P8,000 na halaga ng pera at mga cellphones.

Matapos na makuha ang pakay ay tumakas ang suspek habang mabilis din namang nasaklolohan ng mga residente sa lugar ang mga biktima.

Naaresto ang suspek sa isinagawang follow-up operation sa tapat ng Malabon City Square Mall na matatagpuan sa kahabaan ng C4 Road, Barangay Longos ng nasabing lungsod ganap na alas-nuwebe ng gabi ngunit bigo na silang marekober ang mga ninakaw nito. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?