86

By

Magkapatid na senglot nagwala, 1 patay

Napatay ng nagrespondeng pulis ang isa sa magkapatid na lasing na walang habas na nanaksak sa Batangas City noong Linggo ng gabi.

Dineklarang dead on arrival sa Batangas Medical Center ang suspek na si Erwin Nuñez matapos mabaril ng pulis na si PSSg. Leovino Mendoza, alas-10:00 ng gabi.

Arestado naman ang kapatid nito na si Zerwil Nuñez.

Batay sa report ng Batangas City police, nagwala at nanaksak ang magkapatid matapos na ang mga ito ay malasing sa Brgy. Bolbok, Batangas City.

Kabilang sa nasaksak ng dalawa ay sina Victorino Lanor na isang barangay kagawad, barangay tanod na si Roderick Macalalad, at pintor na si Jayson Royo, pawang umaawat sa magkapatid.

Napilitan namang barilin ni Mendoza ang suspek matapos araruhin din nito ng saksak ang nagrerespondeng pulis.

Ginagamot naman sa ospital ang tatlong biktima matapos magtamo ng mga tama ng saksak sa katawan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?