136

Dec 8, 2017 @ 20:48
By

Magkakasakit dahil sa Dengvaxia, sagot ng PhilHealth – Duque

Handang sagutin ng PhilHealth ang gastos ng batang nabakunahan ng Dengvaxia sakaling magkaproblema at maospital.

Ito ang tiniyak kahapon ni Health Secretary Francisco Duque III sa harap ng kontrobersiya sa Dengvaxia na ginamit sa may 18,000 na mga batang estudyante.

Sinabi ng kalihim na kayang i-accommodate ng PhilHealth ang hanggang P16,000 sa hospital bill ng bawat pasyente at kapag lumagpas ang gastos ay ipapasagot sa Sanofi, ang kumpanyang may produkto ng Dengvaxia.

Pero sinabi ni Duque na possible ring sagutin ng Sanofi ang lahat ng gastusin ng mga batang magkakasakit dahil sila ang may produkto ng palpak na bakuna.

“PhilHealth’s dengue case rate can cover up to 16,000 for severe dengue, which includes hospitals and physician fees as well as hospital — other hospital support interventions in the management of the dengue cases. Pero kung tumaas pa doon sa babayaran ng PhilHealth, ‘yung Sanofi na ang sasagot. O kung hindi, kung mainit din ang ulo ng PhilHealth, sisingilin din niya ang lahat nu’ng mga ginastos niya, why not?” ang pahayag ni Duque.

Sa kabila ng idinulot na kontrobersiya ng dengue vaccine na ginamit ng dating administrasyon, sinabi ng kalihim na patuloy na imo-monitor ng DOH ang kondisyon ng mga batang nabakunahan at palalakasin ang kahandaan ng mga pampublikong ospital para umasikaso sa mga malalang kaso ng dengue.

Sinabi ni Duque na nagbigay na siya ng report kay Pangulong Rodrigo Duterte at batid nito ang developments sa nabanggit na isyu. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?