133

Dec 21, 2017 @ 10:22

Magkaibigan na nanita ng maingay, ginulpi ng 5 senglot

Daig pa ang nakipaglaban sa boxing ang sinapit ng mag-bestriend matapos silang malamog sa gulpi ng limang lasing na lalaki na kanilang sinaway dahil sa pag-iingay, Miyerkules ng madaling-araw sa Valenzuela City.

May mga pasa sa mukha, sugat sa ulo at masasakit pa ang buong katawan nang sinugod sa Valenzuela Emergency Hospital ang mga biktimang sina Alfredo Dogma, 34, binata, ng No. 125, Brgy. Pasolo, at Jomari Garcia, 18, naninirahan sa No. 137 Pacheco Compound, Brgy. Pasolo, ng nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Edwin Mapula ng Station Investigation Unit (SIU), kumakain ng lugaw sa kahabaan ng Brgy. Pasolo ang magkaibigan nang pumasok ang limang hindi kilalang kalalakihan at kumain ng lugaw.

Dahil mga lasing, nag-ingay ang mga suspek, saan sinaway ito ng mga biktima hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo.

Sinuntok ng dalawang suspek si Dogma, habang ang tatlo pa nitong kasamahan ay pinagtulungang gulpihin si Garcia.

Hindi pa nasiyahan ang mga lalaki, kinuha nila ang mga bote ng suka, saka ipinalo sa mga biktima.

“Nagliliparan ‘yung mga bote ng suka kasi bawat madampot ng mga suspek ibinabato,” sabi ni SPO1 Mapula.

Tumakas ang limang lalaki sakay ng sasakyan (AKA-5277) patungong G. Lazaro St., Brgy. Dalandanan, Valenzuela City.

Aabot sa mahigit P13,000 halaga ng mga gamit sa lugawan ang nasira at nabasag. (Orlan Linde)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?